BUTUAN CITY – Isang araw matapos yanigin ng 6.0 magnitude na lindol ang mga residente sa gitnang-kanlurang Mindanao nitong Miyerkules, 5.3 magnitude naman ang yumanig sa kaparehong lugar sa Lanao del Sur kahapon, sa kasagsagan ng paggunita ng mga Kristiyano sa Huwebes Santo.
Ayon sa report ng iba’t ibang disaster risk reduction and management council (DRRMC) sa Lanao del Sur at Bukidnon, muling tinakot ng lindol ang mga residenteng abala sa paghahanda para sa mga aktibidad kaugnay ng Huwebes Santo kahapon ng madaling araw.
Batay sa bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), isang 5.3 magnitude na lindol ang naitala bandang 4:01 ng umaga kahapon may walong kilometro sa hilagang kanluran ng Wao, Lanao del Sur, ang kaparehong lugar na niyanig ng 6.0 magnitude, madaling araw nitong Miyerkules Santo.
May lalim na anim na kilometro, naitala ng Phivolcs ang Intensity VI sa Kalilangan, Bukidnon, habang Intensity V naman sa Valencia City, Bukidnon, at Intensity IV sa mga bayan ng Kadingilan, Maramag, at Pangantucan sa Bukidnon.
Intensity III naman ang naramdaman sa Cagayan de Oro City, at Intensity II sa Cotabato City at Koronadal City sa South Cotabato, at sa Kidapawan City, North Cotabato.
Nakapagtala rin ng 17 aftershocks hanggang 9:00 ng umaga kahapon, ayon sa Phivolcs, at sinabing inaasahan ang mas marami pang aftershocks kahapon at sa mga susunod na araw.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 170 ang napinsala ng pagyanig nitong Miyerkules, 117 sa mga ito ay sa bayan ng Wao.
Samantala, kinakalap pa ng iba’t ibang DRRMCs ang kani-kanilang assessment sa mga pinsala ng lindol sa mga apektadong lugar, bagamat nakapag-ulat na ng pagbibitak sa mga gusali at kalsada sa dalawang probinsiya.
Iniulat din ng Wao MDRRMC na naputol ang supply ng kuryente at tubig sa ilang lugar, habang tuluy-tuloy naman ang pag-ayuda ng militar sa mga residente.
Bago ang 6.0 magnitude na pagyanig, isang napakalakas na 7.5 ang sumalanta sa Lanao del Sur noong Abril 1, 1955.
Itinuturing ito ng Phivolcs bilang isa sa pinakamapaminsala sa lalawigan, na ikinasawi ng nasa 400 katao.
Kasunod nito, nakapagtatala na rin ng Intensity 4-7 na pagyanig sa Lanao del Sur sa nakalipas na mga taon.
Paliwanag ng Phivolcs, ang Central Mindanao, kabilang ang Lanao del Sur, ay isa sa mga seismically active area sa bansa dahil sa Mindanao Fault o Cotabato-Sindangan Fault, na bumabaybay mula sa Sarangani hanggang sa hilagang kanluran ng Zamboanga Peninsula. (May ulat ni Keith Bacongco) (MIKE CRISMUNDO at ELLALYN DE VERA-RUIZ)