ANG pasya ni Pangulong Duterte na ipaubaya na lang sa mga miyembro ng Kadamay ang mga bakanteng pabahay na inokupa ng mga ito sa Pandi, Bulacan, ay nakatulong upang maiwasan ang posibleng marahas na kumprontasyon na magiging kahiya-hiya sa panig ng gobyerno. Mistulang handa ang mga kasapi ng Kadamay na manindigan upang angkinin ang mga bahay, na iginigiit nilang bakante naman at ilang taon nang nakatiwangwang.
Karapatan ng pamahalaan na itaboy sila, dahil walang dudang pagrerebelde ang kanilang ginawa. Ngunit hindi lamang nagpapatupad ng batas ang isang mabuting gobyerno. Isinasaalang-alang din nito ang mahihirap na mamamayan ng bansa, silang mga kapuspalad. Gaya ng sinabi ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, silang mga kapos sa buhay ay dapat na nakalalamang sa batas.
Ngunit kailangang maituwid ang pag-okupa ng Kadamay sa mga pabahay. Dapat na maging lehitimo ito, na ang bawat pamilya ay paglalaanan ng partikular na bahay na titirahan. Maaaring nagtagumpay ang mga pinuno ng Kadamay sa pag-angkin sa mga bakanteng bahay, ngunit dapat silang bigyang-babala na ang pagpapalala sa sitwasyon sa kanilang panig ay hindi kukunsintihin. Dapat din na busisiin ng gobyerno ang programang ipinatutupad ng National Housing Authority sa nakalipas na mga taon, suriin kung aling bahagi nito ang dapat na amyendahan at iwasto.
Sinabi ni Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement, na sa 2,300 pabahay na itinayo ng NHA, 300 lamang ang tinitirahan. Mistulang ang mga pamilyang dapat na ookupa sa mga ito ay tumatangging tirahan ang mga pabahay. Hindi ba maayos ang konstruksiyon sa mga pabahay? Wala ba ang mga itong pasilidad gaya ng tubig at kuryente? Masyado bang malayo ang pabahay sa lugar ng trabaho, mga pasilidad na pangkalusugan, at mga eskuwelahan para sa mga pamilyang pinaglalaanan sa mga ito?
“By now I believe we are convinced that government housing projects are no longer about structures,” sabi ni Senator Ejercito observed. “They should also cover a comprehensive and strategic plan in addressing other basic needs of beneficiaries, such as access to livelihood, transportation, education, and health facilities.”
Sisiyasatin ng Senado ang usaping ito sa pagsisimula nito ng imbestigasyon sa Abril 17 tungkol sa nangyari sa Pandi, Bulacan. Ang pag-okupa ng Kadamay, na malinaw namang ilegal, ay dapat na magpamulat sa pamahalaan tungkol sa mga kakulangan at kabiguan ng kasalukuyang programa ng gobyerno sa pabahay, upang maging mas praktikal ang mga pagsisikap na mabawasan ang bilang ng mga walang tahanan sa bansa, mas maunawaan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo, at mas nasasaklawan ang mas maraming mabebenipisyuhan ng programa.