LALONG pag-iigtingin ang paghahatid ng balita at public service sa DZMM TeleRadyo sa pag-arangkada rito ng de-kalibreng news at current affairs programs ng ABS-CBN, sa pangunguna ng Bandila kasama pa rin sina Karen Davila, Ces Oreña-Drilon at Julius Babao simula Lunes, Abril 17.
Mapapanood ang mas maagang edisyon ng Bandila ng 10 PM sa DZMM TeleRadyo, na nagdiriwang ng ika-10 anibersaryo sa telebisyon ngayong taon. Tuloy pa rin ang live airing ng Bandila sa ABS-CBN Channel 2 pagkatapos ng Tonight With Boy Abunda, dala ang bagong impormasyon sa mga isyu at iba pang nagbabagang balita.
Ang iba pang mga programang mapapanood na ng mas marami pang Pilipino sa pamamagitan ng DZMM TeleRadyo, na isa sa mga libreng channel sa ABS-CBN TVPlus, ay ang Rated K ni Korina Sanchez-Roxas, Matanglawin kasama si Ipaglaban Mo nina Atty. Jose Sison at Atty. Jopet Sison, S.O.C.O. kasama si Gus Abelgas, at documentary series na Mukha tuwing Sabado at Linggo.
Patuloy na pinalalakas at pinaiigting ang mga programa sa flagship AM radio station ng ABS-CBN na palaging nakabantay sa ihahatid na impormasyon at balita ano mang oras.
Samantala, nasa ikalimang yugto na ang patuloy na paghahatid ng saya at public service ng proyektong “DZMM Kapamilya Day” sa mga komunidad sa Metro Manila at Mega Manila. Layunin ng proyekto na lalong mapalapit ang mga programa at DZMM Teleradyo anchors sa kanilang mga tagapakining at tagapanood, upang malaman mula mismo sa kanila kung paano makakatulong ang himpilan.
Tumutok sa DZMM TeleRadyo sa cable at ABS-CBNTVplus, at DZMM Radyo Patrol 630 sa AM radio. Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook o Twitter.