MAY katagalan na rin naming hindi nakikita si Bela Padilla kaya nagulat kami sa kinis at kakaibang puti niya sa press launch ng kanyang iniendorsong whitening product.
“Siguro po ganito ‘yung loveless,” natawang panimula ng aktres.
Mas naging flawless daw siya nang gamitin niya ang naturang produkto.
“Hindi ako mahilig sa mga gimik, ‘pag tapos na shooting or taping nasa bahay lang po ako,” sabi ng dalaga.
Samantala, inamin ni Bella na bata pa lang siya ay pinangarap na niyang gumanap bilang sirena.
“Kapag naglalaro po kami nu’ng bata pa ako, gusto ko talaga mermaid. Kaya siguro natuto akong lumangoy dahil idol ko si Dyesebel.”
Kaya kung pamimiliin daw siya, mas gusto niyang maging Dyesebel kaysa maging Darna.
“Hindi naman po sa umaayaw akong maging Darna, siyempre lahat ng actress na tulad namin pangarap maging Darna. Pero, honestly, mas gusto kong lumangoy kesa lumipad. Mas mabibigyan ko ng justice ‘yung Dyesebel dahil ang hilig-hilig ko talagang lumangoy”
Bukod sa kakayahang lumangoy, nakakatagal ang aktres sa ilalim ng tubig ng kung ilang minuto kaya hindi magiging problema sa kanya ang underwater scenes.
Nang mapag-usapan ang love life, inamin ng dalaga na naging napakadali sa kanya ng pagmo-move on.
“After two days ng break-up, okey na ako. Then after a week nagkita kami at nagkausap na, wala na. Ganu’n lang.”
Ang tinutukoy ni Bella ay ang ex-boyfriend na si Neil Arce na almost four years din niyang nakarelasyon.
“Hindi naman masasabing nagkasawaan kundi desisyon lang talaga namin ang maghiwalay for good, ganu’n.”
Sa ngayon, ayaw muna niyang pagtuunan ng pansin ang love life, pero hindi nangangahulugan na na-trauma siya sa sinapit ng pinsang si Kylie Padilla na nagbuntis nang walang kasal.
“No, hindi po. Masaya po si Kylie sa nangyari at excited ako sa magiging baby niya.”
Hindi raw nagsasalita ng patapos si Bella, pero kung siya ang masusunod mas gusto niyang ikasal muna siya sa lalaki bago sila magka-baby. (MORLY ALINIO)