Nagtala ng bagong national record ang pagsali ng 161 koponan at 1,930 manlalalaro sa First Albay Congressional Cup, isang basketball tournament sa Legazpi City, Albay.
Sa pangangasiwa ni Albay Rep. Joey Salceda, kinailangan ng kanyang tanggapan ang tulong ng mahigit 320 coach at 52 referee para pamahalaan ang araw-araw na laban sa iba’t ibang dako ng lalawigan.
Dahil sa dami ng sumaling koponan, magkakaroon ng mahigit 500 tunggalian sa apat na kategorya —Inter-Barangay na may junior at senior divisions, Inter-LGU, Inter-Commercial at Open Category.
Tatanggap ng medalya, cash prizes at tropeo ang mga magwawagi.
Ayon sa kongresista, pagkakaisa ang pangunahing layunin ng palaro, na magbibigay-daan din sa pagsusulong ng disiplina at mga makabuluhang gawaing pampamayanan, bukod sa pagbibigay-aliw sa mga Albayano at mga turista at mga bakasyunista.
Inilunsad noong Abril 1, sa Mayo 31 magtatapos ang sports competition.