Nakalabas na sa Quezon City Police District (QCPD) sa Camp Karingal ang mga miyembro ng urban poor group na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na omokupa sa nakatiwangwang na lote sa Quezon City.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, natanggap nila nitong Miyerkules ng gabi ang release order mula sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 38 para sa 40 miyembro ng Kadamay-affiliated Apollo Neighborhood Association. Matatandaang sila ay inaresto sa pag-okupa sa pribadong lote sa No. 14 Apollo St., sa Tandang Sora.

Naniniwala ang hepe na nag-ambag-ambag sina National Anti-Poverty Commission chair Liza Masa, Gabriela Rep. Emmy de Jesus, Bayan Muna Secretary-General Renato Reyes, at iba pang organisasyon para sa bail ng mga nakulong na miyembro.

Ayon kay Eleazar, ang P14,000 bail na inirekomenda ay ginawang kalahati dahil sa mosyon na inihain ng mga abogado ng grupo na nagsabing walang ganoong kalaking halaga ang mga inarestong miyembro. Sa pag-aapruba ng korte, ibinaba ang bail sa P7,000 kada miyembro para sa kasong grave coercion at iba pang paraan ng panghihimasok.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Idinagdag niya na bago pinalaya ang mga miyembro ng Kadamay, nakiusap sa kanya sina De Jesus, Maza at Reyes nitong Miyerkules ng umaga na panatilihin sa kanilang kustodiya ang mga Kadamay member habang inaasikaso ang kanilang piyansa.

Sinabi ni Eleazar na pinagbigyan niya ang hiling ng tatlo sa kabila ng commitment order mula sa QC MTC na ilipat ang mga inaresto sa Quezon City jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig at sa Camp Karingal.

Sa loob ng 10 araw, nanatili sa function area ng Public Safety Battalion ng QCPD ang 40 pinalayang bilanggo.

Matatandaang nitong Abril 3, sapilitan silang pinaalis na nasabing pribadong compound na ilegal nilang sinakop sa kabila ng court resolution noong Hunyo ng nakaraang taon na kailangan nilang lisanin angs lugar.

Sa kabuuang 43 inaresto, dalawa sa mga ito ang pinalaya para sa karagdagang imbestigasyon habang ang isa ay nagpiyansa ng 14,000 na unang inirekomenda ng Quezon City Prosecutor’s Office, ayon kay Eleazar.

(Vanne Elaine P. Terrazola)