Nadakma sa magkakahiwalay na operasyon ang apat na illegal recruiter, pagkukumpirma ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa ganap na 9:30 ng umaga nitong Abril 6, inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region-CIDG, sa pangunguna ni Police Senior Supt. Belli Tamayo, si Remigio Mhar Mariano Jr., 46, sa ikinasang entrapment operation sa Pasay City.

Inaresto si Mariano, na empleyado ng Clarliemae Recruitment Agency and One Global Agency, sa loob ng isang fastfood restaurant sa harap ng Department of Foreign Affairs (DFA) Building sa Macapagal Avenue makaraang tanggapin ang marked money mula sa isang Myla Manlapaz.

Base sa mga reklamo ng kanyang mga biktima, naniningil si Mariano ng P20,000 hanggang P40,000 para sa processing fee at training fee bilang mga waiter at waitress sa Malaysia.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nahaharap na ngayon si Mariano sa kasong paglabag sa Republic Act 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) sa panloloko ng 20 katao.

Samantala, sa isa pang operasyon noong araw ding iyon, inaresto ang dalawang babae, bandang 11:50 ng tanghali sa Malate, Maynila.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8042 at Article 315 ng revised penal code (estafa) sina Julieta Lipit, 52, at Shiela Marie Amil, 47.

Pinagbayad umano nina Lipit at Amil ang 25 nilang biktima ng P30,000 hanggang P60,000 para sa placement fee at travel expenses.

Isa pang entrapment operation, bandang 5:45 ng hapon, ng mga tauhan ng Anti-Transnational Crime Unit (ATCU) ay nagawang maaresto si Mary Keith Velasco, 28, sa isang fastfood chain sa Gilmore Avenue, Quezon City.

Una rito, nakatanggap ng reklamo ang awtoridad mula sa 12 biktima na pawang pinangakuan umano ni Velasco ng trabaho sa Paris, France kapalit ng P30,000 hanggang P50,000.

Nakatakdang kasuhan si Velasco, residente ng Florida Blanca, Pampanga, ng kasong paglabag sa RA 8042 at estafa.

(Francis T. Wakefield)