Labimpitong katao ang inaresto sa hiwalay na buy-bust operation sa Quezon City nitong Miyerkules.

Ayon sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), naging matagumpay ang pag-aresto sa mga drug suspect sa pagpapatuloy ng operasyon laban sa droga sa gitna ng paggunita sa Mahal na Araw. Sila ay pawang sinampahan ng kaukulang kaso.

Nitong Miyerkules ng madaling araw, inaresto ng mga tauhan ng Cubao Police Station ang hinihinalang tulak na si Mark Anthony Garcia, 23, sa buy-bust operation sa kahabaan ng Montreal Street, sa Barangay E. Rodriguez.

Nakuha sa kanya ang tatlong pakete ng shabu kapalit ng P300 marked money.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pagsapit ng 5:00 ng madaling araw, tatlong lalaki ang inaresto ng Galas police sa isang apartelle sa Dahlia St., Bgy. Greater Fairview. Target sa operasyon si Alex Magno, alyas “Lakay”, 39, na kabilang sa drug watch list. Tatlong pakete ng shabu, isang caliber .45 baril, at isang kutsilyo ang nakuha mula kay Magno at sa kanyang mga kasabwat.

Inaresto naman si Kevin Villablanca, 24, at 17-anyos niyang kasabwat nang makuhanan ng limang pakete ng shabu sa buy-bust operation sa P. Tuazon St., Bgy. Don Manuel, bandang 8:00 ng umaga.

Sa simultaneous operation ng Anonas police, dinampot si Ariel Geneza, 40, nang makuhanan ng isang pakete ng shabu sa Barangay UP Campus.

Dakong 11:00 ng tanghali, pinosasan naman sina Elezer Lee, 32, at Aris Julaton, 34, nang mahuli silang naglalaro ng “cara y cruz” sa NIA road, Bgy. Pinyahan. Nakuhanan din sila ng isang pakete ng shabu.

Noong oras ding iyon naaresto ng Novaliches police si Ruel Abad, 38, sa ikinasang barangay anti-drug clearing operation sa Carreon Compound, Bgy. Bagbag. Isang maliit na pakete ng shabu ang nakuha sa kanya.

Nahulog din sa mga kamay ng awtoridad si Noel Lumahan, 24; Ricky Boy Viloria, 20. Siya ay nakuhanan ng isang pakete ng shabu.

Bandang 6:00 ng gabi, dinakip ng La Loma police si Marivic Basco sa pagbibigay ng P100 halaga ng shabu sa undercover agent.

Nalambat din sina Jennalyn Bitoon, 28; Shienna Galang, 18; Andrea Tumangil, 28; Jeffrey Caranguian, alyas “Peke”, 28.

(Vanne Elaine P. Terrazola)