BAGAY daw na magkapatid sina Ryan Agoncillo at Alden Richards. Sa totoo lang, best of buddies sila bilang hosts ng Eat Bulaga. Kaya tamang-tama naman na sila ang pinaganap bilang magkapatid sa episode na “Kapatid” ng Eat Bulaga Lenten Special noong Holy Monday, kasunod ng unang episode na “Inay” nina Ai Ai delas Alas at Paolo Ballesteros.
Sa story ng “Kapatid,” naiwan sa pangangalaga ni Ryan ang nakababatang kapatid na isang special child, si Alden.
Madalas kumuha ng addional work si Ryan na mahusay mag-drawing. Projects ng mga anak ng mga kaibigan ang iginuguhit niya para madagdagan ang kanyang kita. Madalas siyang tulungan ni Alden na mag-shade ng drawing. Hindi siya nag-isip na ipaampon sa DSWD si Alden dahil ipinangako niya sa mga magulang na hindi niya ito pababayaan. Madalas na tampulan ng panunukso si Alden ng mga kaklase, pero maayos ang paggabay sa kanya ni Ryan kaya hindi siya nang-aaway.
Minsan, gumawa ng tatlong drawing si Ryan na isa-submit niya sa bagong trabahong papasukan niya na tiyak na makapagpapabago ng buhay nilang magkapatid. Pero dinala ang mga iyon ni Alden sa school at ipinagmalaki sa mga kaklase, isa-submit daw ng kuya niya para sa bagong papasukang trabaho. Pero gutay-gutay na ang tatlong drawing nang iuwi ni Alden kaya napagalitan siya nang husto. Hingi nang hingi siya ng sorry sa kuya niya, sinaktan niya nang sinaktan ang sarili at nahirapan si Ryan at ang tiyahing si Ruby na pigilan si Alden para kumalma. Noon na pumayag si Ryan na ipagkatiwala sa DSWD si Alden.
Habang inihahanda ni Alden ang sarili niya sa pag-alis nila ng kuya niya, sabi siya nang sabi ng, “Kuya, kapag ayos na susunduin mo na ako, ha? Promise magpapakabait ako roon, I’m big now, kaya ko na, basta susunduin mo ako, ha?”
Tumawag na ng taxi si Ryan at nakita niya ang labis na pag-iyak ng kapatid. Umiiyak na rin siya at sinabi sa taxi driver na, “Pasensiya na kuya, hindi na kami aalis.”
Naantig nang husto ang televiewers at iniyakan din nang husto ang napanood. Narito ang comments nila sa social media:
“Grabe, iyak ako nang iyak.” “Nakakaiyak talaga, congrats Alden, Ryan at sa lahat ng dabarkads ng Eat Bulaga.”
“Pinaiyak mo ‘ko, Tisoy pero feel ko ang sacrifices ni Ryan, pareho kayong best actor.” “Bato na lang talaga ang puso ang ‘di maantig dito.” “Best actor for EB awards.” “Hay, grabe, mugto mata ko! Ang galeenngg!”
“’Kakaiyak s’ya du’n sa scene na sasakay na si Alden sa taxi.” “Iniisip ko nga iiyak kaya ako ng ganoon katindi if hindi si Alden ang gumanap.” “Napahagulhol talaga ako dito galing ni Tatay Ryan at ni Alden. Good job!” “So much praise! Well deserved!”
Maging si Alden nang makausap tungkol sa role niya, “First time ko po lamang gumanap ng ganitong role at ito na ang pinakamahirap na character na ginampanan ko.” (NORA CALDERON)