BILANG paghahanda ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) para sa darating na Southeast Asian Games, ipapadala ang 17 sa kanilang mga atleta sa Hong Kong upang magsanay.

Ayon kay PATAFA Secretary General Renato Unso sa ginawang panayam sa kanya ng DZSR Sports Radio, magsasanay ang kanilang mga atleta ng anim hangang pitong linggo at lalahok sa dalawang international tournament habang nasa Hong Kong .

Naitakda ang nasabing Hong Kong training matapos ang kanilang pakikipagpulong kay Hong Kong Athletic Association chairman Kuan Kee noong nakaraang linggo.

Mangunguna sa mga Filipino athletes na magsasanay sina long jumper Marestela Torres-Sunang at hurdler Patrick Unso.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makakasama nila sina Katherine Khay Santos, Miko del Prado, Jomar Udtohan, Clinton Bautista at Anfernee Lopena habang magsisilbi namang coach sina Jojo Posadas at Geoffrey Chua.

Kasama din sa Hong Kong training sina Edgardo Aleja Jr. , Mervin Guarte , Marco Vilog, Christopher Ulboc , Immuel Camino ,Mark Harry Diones , Julian Reem Fuentes , Ariel Toledo at Hesson Agravante.

Karamihan sa mga nabanggit na mga atleta ay nagsipagwagi noong nakaraang Philippine Open International Track and Field Championships na idinaos sa Isabela.

Nauna nang umalis patungong Italy si pole vaulter Ernest John Obiena upang magsanay sa ilalim ni coach Vitaly Petrov ng Ukraine.

Ang 21-anyos na si Obiena ang may hawak ng national record na 5.55 meter. (Marivic Awitan)