Hiniling sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na babaan ang P62.2 milyon na iniutos nitong bayaran ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos para sa retrieval ng election materials, sa turnover nito sa tribunal, at sa recount ng mga boto sa kanyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Vic Rodriguez, hiniling din ni Marcos sa PET, binubuo ng 15 mahistrado ng Korte Suprema, na ipagpaliban ang utos sa pagbabayad habang hindi pa napagpapasiyahan ang resolusyon sa kanilang plea upang itakda ang preliminary conference para sa protesta.

“We have asked for a re-computation of the amount, that instead of basing it on the number of established or traditional precincts, it should be based on number of clustered precincts with the advent of the automation of our system of election,” sabi ni Rodriguez sa isang panayam.

Nakasaad sa alituntunin ng PET na ang nagpoprotesta ay kinakailangang magdeposito ng pera sa tribunal ng P500 para sa bawat presinto upang madala sa tribunal ang mga kinukuwestiyong ballot box at mga dokumento ng eleksiyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa protesta ni Marcos, tinututulan ng dating senador ang resulta sa 132,446 na presinto sa 39,221 clustered precincts ng 27 probinsiya at siyudad.

Sa isang resolusyon, sinabi ng PET na, “based the foregoing, the cash deposit for Protestant is P500 for each of the 132,446 precincts, which amounts to P66,223,000.”

Pero dahil nagdeposito lamang si Marcos sa tribunal ng P200,000 nang isampa ang kanyang protesta, kinakailangan niyang magbayad ng P66.023 milyon – P36.023 milyon sa Abril 16 at ang balanseng P30 milyon sa Hulyo 14.

Sa kabilang banda, si Robredo ay inatasan ding magdeposito ng P15.43 milyon para sa kanyang counter-protest na sasaklaw naman sa 31,278 presinto.

Sa resolusyon ng PET, inaatasan si Robredo na magbayad ng P8 milyon sa Abril 16 at ng balanseng P7.43 milyon sa Hulyo 14.

Nakakuha si Robredo ng 14,418,817 boto, samantalang si Marcos ay nakakuha naman ng 14,155,344 boto na mayroong 263,473 botong lamang. Iprinoklamang panalo si Robredo bilang Bise Presidente. (Rey G. Panaligan)