Ang namumuong sama ng panahon na papasok sa Pacific Ocean ay inaasahang magdudulot ng manaka-nakang pag-ulan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong Huwebes, Abril 13, at may puntong magbubuhos ng ulan sa darating na linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa weather forecaster na si Gladys Saludes, nananatiling low pressure area (LPA) ang namumuong sama ng panahon at nasa labas pa rin ito ng area of responsibility ng bansa nitong Miyerkules ng hapon.

Namataan ang LPA sa layong 1,415 kilometro sa silangang bahagi ng Mindanao, bandang 3:00 ng hapon nitong Miyerkules.

Ito ay inaasahang papasok sa bansa ngayong Huwebes ng umaga.

National

Trillanes, hinikayat publikong dumalo sa ‘pro-impeachment’ events vs VP Sara

Sinabi ni Saludes na hindi isinasantabi ng PAGASA na posibleng maging ganap na bagyo ang LPA.

“But based on our latest data, the LPA’s chance of intensifying into a tropical depression has lessened to 40 percent,” aniya.

Gayunman, inabisuhan ni Saludes ang publiko na manatiling alerto sa posibilidad na ulanin ang Southern Luzon, Visayas at Mindanao ngayong Kuwaresma.

Sinabi rin niya na makakaramdam ng panaka-nakang pag-ulan sa Northern at Eastern Mindanao, Eastern Visayas, gayundin ang Southern Luzon sa Huwebes. (Ellalyn De Vera-Ruiz)