TUNAY na mahirap para kay Pangulong Duterte ang usapin sa isang grupo ng mga isla sa South China Sea, sa kanluran ng Palawan. Tinatawag na Kalayaan islands, binubuo ito ng Pagasa (37.2 ektarya), Likas (18.6 na ektarya), Parola (12.7 ektarya), Lawak (7.93 ektarya), at Kota (6.45 ektarya). Nakatira roon ngayon ang mga mangingisdang Pilipino; nasa isla na sila ng Lawak simula 1970.
Mas maliliit ang limang iba pang mga isla—ang Patag, Panata, Rizal, Balagtas, at Ayungin, na walang pang isang ektarya bawat isa. Sa Ayungin nakadaong ang isang barkong panahon pa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig simula 1995 na nagsisilbing punong tanggapan ng mga tropa ng Pilipinas sa lugar.
Nitong Abril, inatasan ni Pangulong Duterte ang militar na magpadala ng mas maraming sundalo sa mga isla at gawing modern ang mga pasilidad doon. Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nais ng Pangulo ng mga barrack para sa mga sundalo, water at sewage disposal system, power generator, at tirahan para sa mga mangingisda.
Kaagad na pumalag ang China sa direktibang ito ni Pangulong Duterte. Idineklara ni Chinese Foreign Ministry Spokeswoman Hua Chunying na determinado ang China “[to] firmly safeguard its territorial sovereignty, its maritime rights and interests” sa South China Sea. Umaasa siyang ang Pilipinas ay “continue to properly manage maritime disputes with China and work with us to maintain the sound and steady growth of China-Philippines relations.”
Ang problema, iginigiit ng China ang soberanya nito sa halos buong South China Sea na saklaw umano ng nine-dash line batay sa sinaunang mapa ng China. Nakapaloob sa nine-dash line na ito sa karagatan ang lahat ng islang inookupa ngayon ng Pilipinas, kasama ang mga okupado naman ng iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya, kabilang ang Vietnam, Malaysia, at Brunei. Maging ang Scarborough Shoal, na nasa 150 milya sa kanluran ng Zambales, ay pasok sa ating 200-milyang Exclusive Economic Zone, ay saklaw din ng nine-dash loop ng China.
Taong 2012 nang magpalabas si Pangulong Aquino ng executive order na tumutukoy sa “West Philippine Sea”, na kinabibilangan ng Kalayaan islands, ng Scarborough, at ng EEZ ng bansa. Nang sumunod na taon, idinulog niya ang usapin sa Permanent Court of Arbitration sa Hague, Netherlands, at noong 2016, nagpasya ang huli na walang legal na basehan ang nine-dash line. Subalit hindi ito kinikilala ng China at naninindigan sa iginigiit nitong soberanya sa lahat ng mga pinag-aagawang isla.
Sa ngayon, hindi natin masasabi ano ang kahihinatnan nito. Walang panig na gustong magpadaig. Panig sa atin ang pasya ng pandaigdigang korte habang naninindigan naman ang China sa soberanya nitong nakabatay sa isang sinaunang mapa.
Umasa na lamang tayo na makahahanap ng paraan si Pangulong Duterte, na sa ilang buwan pa lamang sa puwesto ay nagawa nang magkaroon ng mabuting ugnayan sa China, upang matuldukan na ang hindi pagkakasundong ito at maipagpatuloy pa natin ang bumubuting ugnayan sa China at sa iba pa nating karatig-bansa sa bahagi nating ito sa mundo.