ZAMBOANGA CITY – Dalawang kilabot na sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at siyam na tauhan ng mga ito ang sumuko sa Joint Task Forces-Tawi-Tawi habang nagpapatuloy ang matinding opensiba ng militar laban sa mga bandido sa Mindanao.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay na nasa 11 miyembro ng ASG, kabilang ang dalawang sub-leader, ang sumuko sa Joint Task Force Tawi-Tawi sa Marine Barracks Domingo Deluana sa Barangay Sanga-Sanga, Bongao, Tawi-Tawi bandang 6:00 ng gabi nitong Martes.

Kinilala ni Petinglay ang mga sumukong sub-leader na sina Berong Sariol, alyas “Boy Master”; at Ben Saudi Dambong Sariol, alyas “Boy Pangit”, 39 anyos.

Kasamang sumuko nina Boy Master at Boy Pangit sina Jasim Dambong, Mujil Dambong, Magelan Langal, Kael Sariol, Nurhamin Sariol, Alhan Sariol, Amnisain Sariol, Akmad Sariol, at Benasil Sariol, pawang taga-Sitio Gigipan, Barangay Baldatal, Sapa-Sapa, Tawi-Tawi.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Isinuko rin ng mga bandido ang kanilang mga armas, kabilang ang isang M16 rifle na may M203, isang M14 rifle, isang M79 rifle, at apat na M1 Garand rifle, ayon kay Petinglay.

Taong 2009 nang maaresto ang dalawang sub-leader sa Omar Lumber Yard sa Elmo Street, Bongao, Tawi-Tawi; gayunman, pinalaya sila sa Zamboanga City dahil sa kawalan ng warrant of arrest.

Sangkot ang grupo sa pamumugot kay Fr. Reynaldo Roda, OMI ng South Ubian, Tawi-Tawi; sa pagdukot kina Sibato Mayor Hji Kuyoh Pajiji, Marcy M. Dayawan, Gao Hua Yun, Chulhong Park, at Glen C. Alendajao. (Nonoy E. Lacson)