MATAGAL nang inatasan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang Armed Forces of the Philippines na pulbusin ang teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na patuloy sa pag-kidnap ng mga lokal at dayuhang indibiduwal. Hindi rin tumitigil ang bandidong grupo sa pamiminsala sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular sa Basilan at Sulu. Kapag hindi nakuha ng tulisang ASG ang hinihinging ransom kapalit ng pagpapalaya sa bihag, pinupugutan nila ang mga ito.

Sa pagdalaw ni Mano Digong sa Camp Teodulfo Bautista sa Jolo nitong nakaraang linggo, sinabihan niya ang mga tropa ng gobyerno na huwag tantanan ang paghahanap at pagpulbos sa bandidong pangkat at pagpuksa sa illegal drugs na umiiral din sa Mindanao. “Hindi nila (ASG) iginagalang ang kanilang salita. Kung gusto nilang pumatay, uunahan natin sila at patayin silang lahat.” Ayaw ni PDu30 na makipag-usap sa ASG sapagkat wala naman daw itong ideolohiyang ipinaglalaban gaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Gayunman, nakapagtatakang hindi ganap na mapuksa ng gobyerno at ng AFP ang ASG gayong sinasabi nilang may 400 lang ang kasapi nito. Ano raw ba ang “magic” nito kung bakit sa kabila ng ilang batalyon ng mga kawal ang ipinadala sa Basilan at Sulu, buhay pa rin ang ASG at nakapandudukot ng mga tao upang hingan ng milyun-milyong pisong ransom?

Nagtungo si Pres. Rody sa Jolo para dalawin ang mga sugatang kawal na nakipaglaban sa ASG. Ginawaran niya ng Wounded Personnel Medallion (WPM) ang 28 sundalo na nasugatan sa pakikipagbakbakan sa ASG. Binigyan niya ang mga ito ng cash assistance, Glock pistol at mobile phone. “I am impressed by your performance here. I am very happy”, pahayag ng Pangulo sa harap ng mga miyembro ng Army’s 41st Infantry Battalion, Camp Teodulfo Bautista.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Samantala, sa ibayong dagat, pinaulanan ng US forces ng cruise missiles ang Syrian airbase noong Biyernes bilang ganti sa ayon kay US President Ronald Trump ay “barbaric chemical attack” ng gobyerno ni Syrian Pres. Bashar al-Assad sa isang lugar na kontrolado ng mga rebelde na Khan Sheikhun. Sa video, nakita ang mga nangamatay na bata at mga biktima ng convulsion dahil umano sa sarin gas attack na kagagawan ng gobyerno ni Assad.

Itinanggi ng Syrian gov’t na nagpakawala ito ng may lasong sarin o ano mang chemical weapons laban sa mga kaaway. Ang pagpapalipad ng 59 na Tomahawk plane ng US forces para durugin ang Syrian airbase ang unang pinakamalaking military decision ni Trump sapul nang siya’y nahalal bilang pangulo ng US. Ito rin ang unang pagkakataon na direktang umatake ang US sa Syria na isang sovereign nation.

May mga nagtatanong kung ang pag-atake ng US sa Syria ay maging simula ng ikatlong Digmaang Pandaigdig, sana naman ay hindi sapagkat ang Russia at China na tradisyunal na karibal ng US ay tiyak na kokondenahin ang ganitong aksiyon ni Uncle Sam. Gayunman, maraming umaasa na hindi gagawa ng marahas at padalus-dalos na aksiyon ang Russia at ang China sapagkat kapag sila ay naging marahas din, tiyak na mapupulbos ang buong mundo dahil ito ay isang nuclear war na walang makaliligtas. (Bert de Guzman)