ANG paninigarilyo ng magulang ay maaaring makapagdulot ng pagbabago sa genetics ng kanilang mga anak na maiuugnay sa pinakakaraniwang uri ng cancer sa mga bata, ayon sa isang pag-aaral.
Iniugnay naman ng mga nagdaang pag-aaral ang paninigarilyo ng magulang sa mas mataas na panganib ng leukemia sa mga bata, ngunit bahagyang nagbabago ang resulta sa mga ina kumpara sa mga ama. Ang kasalukuyang pag-aaral ang una na nag-uugnay sa parehong magulang sa partikular na genetic changes sa tumor cells ng mga bata na may acute lymphoblastic leukemia (ALL), saad ng lead author na si Adam de Smith, mananaliksik sa Helen Diller Family Comprehensive Cancer Center ng University of California San Francisco.
“Another way of looking at this is that we are seeing evidence of the toxic effects of tobacco smoke in the genes of the leukemia cell, a molecular type of forensic pathology,” sabi ni de Smith.
“These deletions are not inherited from parents but are acquired in the child’s immune cells, so we think the more important windows of tobacco exposure are during pregnancy and after birth,” dagdag niya.
Ang acute lymphoblastic leukemia ay cancer na nagsisimula sa unang bersiyon ng white blood cells na tinatawag na lymphocytes sa bone marrow, na matatagpuan sa loob na bahagi ng buto, kung saan ginagawa ang mga bagong blood cell.
Kada taon, halos nasa 5,970 ang bagong kaso ng ALL na nada-diagnose sa Amerika at halos 1,440 ang namamatay dahil dito, ayon sa American Cancer Society. Pinakamataas ang panganib sa pagkakaroon ng ALL sa mga bata na edad lima pababa, bagamat ang mga namamatay dito ay madalas na ang matatandang pasyente.
Para sa kasalukuyang pag-aaral, sinuri ng mga mananaliksik ang datos sa pre-treatment tumor samples mula sa 599 na pasyente na may ALL sa pag-aaral sa mga kaso ng childhood leukemia sa California. Nais nilang malaman kung nawawala ang walong gene na madalas na nabubura sa pasyente ng ALL sa tumor samples, at kung ang pagkatanggal na ito ay maiuugnay sa paninigarilyo ng kanilang mga magulang.
Mas karaniwan ang deletion sa mga bata na naninigarilyo ang ina habang nagdadalantao at matapos manganak. Sa bawat limang sigarilyo na inuubos araw-araw noong nagbubuntis, mayroong 22 porsiyento na pagtaas sa bilang ng deletion; at sa bawat limang sigarilyo na nakokonsumo araw-araw tuwing nagbe-breastfeed, mayroong 74% na pagtaas sa number ng deletion.
“The findings should reinforce how important it is for parents to quit or cut back tobacco use,” ani Dr. Marte Reigstad, researcher sa Oslo University Hospital sa Norway na hindi sangkot sa pag-aaral.
“The best thing to do to reduce risk to a minimum is to cut out smoking altogether,” dagdag ni Reigstad.
Para sa mga tao na naninigarilyo ang mga magulang, mahalaga na maunawaan na hindi lang ang tabako ang nagiging dahilan ng cancer, dagdag ni Reigstad.
“Living healthy lives can also reduce cancer risk, especially concerning exercise and keeping a healthy body weight,” aniya. (Reuters)