SA pagpapaulan ng Amerika ng mga missile sa isang Syrian air base nitong Biyernes, nasa panibago nang estado ang digmaan sa Syria na maaaring magwakas na sa pitong-taong kaguluhan—o palubhain ang giyera sa mas matinding antas ng karahasan.
Kaagad na nakapagdesisyon ilang oras matapos ang chemical weapons attack na pumatay sa 86 na sibilyang Syrian, kabilang ang 27 bata, sa teritoryo ng mga rebelde na Khan Sheikhun, Syria, inatasan ni United States President Donald Trump ang dalawang US destroyer sa Mediterranean Sea na magpakawala ng nasa 59 na missile sa Al Shayrat airfield sa Syria, winasak ang nangakahilerang Syrian jet fighter, mga tirahan, mga radar, mga imbakan ng bala, mga tindahan ng petrolyo, at mga air defense system.
Ipinagbigay-alam muna sa puwersang Russian ang nasabing pagkilos, kaya naman walang eroplanong Russian sa base.
Tumutulong ang Russia at Iran sa gobyernong Syrian ni President Bashar al-Assad sa laban nito kontra sa mga rebeldeng suportado naman ng iba’t ibang bansa, kabilang ang Amerika. Isinagawa ito nang buong ingat upang maiwasang maapektuhan ang mga sibilyan sa pag-atake sa airfield, at upang maiwasan ding matamaan ang pasilidad na pinaniniwalaang pinag-iimbakan ng sarin gas, dahil tiyak na maraming inosenteng mamamayan ang masasawi sa Khan Sheikhun.
Halos apat na taon na ang nakalipas, Agosto 2013 nang naggsagawa ang rehimeng Syrian ng chemical weapons attack sa labas ng Damascus, at naghanda noon si President Barack Obama na maglunsad ng pag-atake laban sa rehimeng al-Assad, ngunit sa halip, idinaan ni Obama sa botohan sa Kongreso ang usapin. Sa isinagawang negosasyon, pumayag ang Syria na baklasin ang mga armas nitong kemikal at dinala ang mga ito sa Russia.
Sa pagkakataong ito, ayon kay President Trump, hindi mag-aalinlangan ang Amerika. Ang pagpapaulan ng Amerika ng missile sa air base ng Syria ay agarang pinagdesisyunan at ipinatupad nang buong ingat upang matiyak na walang masasakripisyo sa panig ng Russia. Gayunman, nag-aabang ngayon ang mundo sa magiging reaksiyon ng Russia sa pagpapaulan ng missile sa kaalyado nitong Syria. Umasa tayong hindi gagantihan ni Russian President Vladimir Putin ang Amerika ng kaparehong pag-atake.
Posible namang suportahan ng iba pang dako ng mundo, partikular ang Britain at France, ang ginawa ng Amerika.
Binigyang-diin ni President Trump na iniutos niya ang pagpapaulan ng missile dahil malinaw na ang puwersa ng gobyernong Syrian “crossed the red line” nang gumamit ito ng nakamamatay na chemical weapons laban sa mga sibilyan.
Pitong taon na ang nakalipas simula nang sumiklab ang digmaang sibil sa Syria at daan-daang libong Syrian na ang nasawi sa mga paglalaban, habang milyun-milyong iba pa ang napilitang umalis sa kanilang bayan upang magsimula ng panibagong buhay sa ibang lugar. Nagsimula ito sa matinding migrasyon ng mga refugee na nananatiling problema ng maraming bansa sa Europa hanggang ngayon. Umabot na ito hanggang sa Amerika kaya naman nagpalabas si President Trump ng executive order na nagbabawal sa pagpasok ng mamamayan mula sa anim na karamihan ay bansang Muslim, kabilang ang Syria.
Hindi inaasahan ang agarang pagpapasya ni Trump, kung ikokonsidera ang naunang hakbangin ng administrasyong Obama.
Kasama ang daigdig, walang katiyakan nating antabayanan ang mga susunod na mangyayari sa kaguluhang ito, partikular dahil sa pagkakasangkot dito ng Russia. Umasa tayong hindi na lumala ang karahasan. Umasa tayong magpapatupad na ng pinal na pagpupursige na sa huli ay magtatagumpay upang tuluyan nang matuldukan ang digmaan sa Syria.