Pitong drug suspect ang naaresto ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City, nitong Lunes Santo.

Dinampot ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Novaliches Police Station (PS-4) si Marilou Balaclaot, 35, sa kahabaan ng Tatlong Hari Street, Sitio Aguardiente, Barangay Santa Monica, matapos makuhanan ng isang pakete ng shabu.

Namataan naman ng crew ng Novaliches police patrol car ang isang grupong naglalaro ng ”cara y cruz”, dakong 12:30 ng madaling araw, at nagkanya-kanyang takbo ang mga naglalaro. Gayunman, hindi ganoon kabilis si Balaclaot dahilan upang siya’y maaresto.

Samantala, 10 pakete naman ng shabu ang nakuha kina Edward Gannaban, 39, ng A. Luna St., Bgy. Marilag, Project 4; at Moises Redoble, 35, ng Maryland St., Bgy. Pinagkaisahan, Cubao sa buy-bust operation ng Cubao Police Station (PS-7) operatives, dakong 1:50 ng madaling araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagsagawa ng operasyon ang awtoridad sa harap ng isang bahay sa Zambales St., malapit sa Arayat St., Bgy. San Martin, De Porres, Cubao kung saan natanggap nila ang P500 marked money mula sa isang undercover na pulis. Nakuha rin sa kanila ang isang motorsiklong walang plaka at isang cell phone.

Pagsapit ng 9:20 ng umaga, inaresto naman sina Orly Sandagon, 36, at Noel Barbo, 27, ng Diamente St., Deparo, Bg.y 168, Caloocan City. Isang concerned citizen ang tumawag sa pulisya at isinumbong ang nagaganap na ilegal na transaksiyon sa Austria St., sa Novaliches Proper. Dalawang pakete ng shabu ang nakumpiska sa kanila.

Hinuli rin si Daniel Fresco, 36, ng A. Santos St., Bgy. Balong Bato, San Juan City, dakong 5:20 ng hapon, sa Gilmore St., corner Aurora Blvd. Bgy. Valencia, matapos makatanggap ng tip mula sa isang residente. Nakuha sa kanya ang dalawang pakete ng shabu.

Kabilang din sa nalambat si Vivian Zacarias, 47, ng Bagbag, Novaliches, sa buy-bust operation sa Quirino Highway, Bgy. Sauyo, Novaliches, dakong 7:00 ng gabi. Pitong pakete ng shabu at P200 marked money ang nakuha mula sa kanya.

Ang pitong suspek ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)