Lumipad si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Riyadh, Saudi Arabia para sa first leg ng kanyang three-nation swing sa Middle East ngayong linggo.

Bandang 2:43 ng madaling araw kahapon nang dumating sa Riyadh International Airport ang Pangulo sakay ng Philippine Airlines flight PR 001. Sinalubong siya ni Prince Faisal, ang gobernador ng Riyadh.

Inaasahang isusulong ni Pangulo sa pagpupulong nila ni King Salman bin Abdulaziz Al Saud ang pagtutulungan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia sa politico-security at depensa, kalakalan at pamumuhunan, anti-narcotics, paggawa, enerhiya, edukasyon, at kultura.

Bago nito, inihayag ni Consul General Iri Arribas na dalawang mahahalagang kasunduan ang lalagdaan sa state visit ni Pangulong Duterte. Ang mga ito ay ang kasunduan ng Ministry of Foreign Affairs (MFA) at ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mekanismo ng regular na konsultasyon sa iba’t ibang sektor ng kooperasyon ng dalawang bansa, at ang labor agreement ng Department of Labor and Employment (DoLE) at ng Ministry of Labor and Social Development para sa proteksiyon ng mga overseas Filipino worker.

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

Bilateral trade at investment relations din ang pangunahing agenda sa mga pagpupulong ni Duterte kina King Hamad bin Isa Al Khalifa ng Bahrain at Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani ng Qatar.

Samantala, kinumpirma ni Presidential spokesman Ernesto Abella na kasama ang entertainer at blogger na si Mocha Uson, board member ng Movie and Television Review and Classification Board, sa pagbisita ng Pangulo sa mga estado sa Gulf.

“The appointed official of The Movie and Television Review and Classification Board is part of the Philippine delegation. She has a large following among the overseas Filipino communities, especially in the Middle East, and it is in their interest that she has come to help boost morale and well-being,” sabi ni Abella.

(Beth Camia at Genalyn D. Kabiling)