CEBU CITY – Inatasan ng Police Regional Office (PRO)-7 ang lahat ng unit nito sa Central Visayas na maging alerto kasunod ng travel advisory na ipinalabas ng US Embassy sa Pilipinas na pinag-iingat sa kidnapping ang mga Amerikanong bibiyahe sa rehiyon.

Ipinag-utos ni PRO-7 Director Chief Supt. Noli Taliño sa lahat ng pulis sa rehiyon na paigtingin pa ang ipinatutupad na seguridad partikular sa matataong lugar, gaya ng mga pantalan, paliparan, bus terminal, simbahan, at resort ngayong Semana Santa.

Tiniyak naman ni Taliño sa mga mamamayan at mga dayuhan na nananatiling walang direktang banta sa rehiyon, bagamat inamin niyang hindi ibinababa ng Philippine National Police (PNP) ang alert status sa rehiyon, na nananatili sa Level 2, kasunod ng mga pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na idinaos sa Cebu noong nakaraang linggo.

“We don’t know where the US Embassy got their information but I have already ordered our units to find out. The US Embassy also have their own sources,” paliwanag ni Taliño sa mga mamamahayag kahapon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Gayunman, kinumpirma mismo ni PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na plano ng Abu Sayyaf Group (ASG) na magsagawa ng mga pagdukot sa Cebu at iba pang bahagi ng Visayas, batay sa impormasyong nakuha niya mula sa Intelligence Division ng PNP.

Matatandaang naglabas kamakailan ng travel advisory ang US Embassy at binibigyang babala ang mamamayan nito “to carefully consider this information as you make your travel plans, and to review personal security plans, avoid large crowds and gatherings, and remain vigilant at all times”, dahil sa banta ng pagdukot ng mga teroristang grupo.

(Mars Mosqueda, Jr. at Fer Taboy0