pba copy

MAGKASUNOD na panalo ang naitarak ng Barangay Ginebra Kings. Tunay na maaasahan ang import na si Justin Brownlee, ngunit ang liderato ni LA Tenorio ang nagbibigay ng buhay sa kaagahan ng kampanya ng Barangay sa PBA Commissioner’s Cup.

Sa panalo ng Kings laban sa GlobalPort at matikas na Star Hotshots, hindi nagpahuli ang determinasyon at diskarte ni Tenorio para sandigan ang hataw ng crowd favourite.

Sa edad na 32-anyos, simbilis pa rin ng kidlat at pusong palaban pa rin ang dating Gilas Pilipinas mainstay.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi kataka-taka para maibigay sa kanya ang parangal bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week laban sa matitikas ding sina Jayson Castro,Troy Rosario at Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text, San Miguel Beer’s June Mar Fajardo, Meralco guard Baser Amer, Blackwater’s Mike DiGregorio at kasangga niya sa Ginebra na si Sol Mercado.

Laban sa Batang Pier, kumubra si Tenorio ng 15 puntos, anim na rebound, apat na assist at dalawang steal sa come-from-behind 113-96 panalo sa nakalipas na Miyerkules.

Impresibo ang pakikipagtambalan ng dating Ateneo standout kay Browlee sa opensa para sandigan ang 113-98 panalo kontra Hotshots nitong Linggo sa ika-42 taong anibersaryo ng liga sa MOA Arena. Kumubra siya ng personal conference-best 21 puntos.

Tangan ni Tenorio ang averaged career-best 16.33 puntos, 3.67 rebound at 3.33 assist sa unang tatlong laro ng Kings sa naturang conference.

Matapos ang siyam na araw na pahinga para bigyan daan ang Semana Santa, balik aksiyon ang Kings sa Abril 19 kontra NLEX sa Cuneta Astrodome. (Marivic Awitan)