IPINAG-UTOS na ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Armed Forces of the Philippines na simulang okupahan ang mga isla sa Spratlys (West Philippine Sea) na nasa ilalim ng kontrol ng Pilipinas. Kapuri-puri ang desisyong ito ng Pangulo kumpara sa mga unang pahayag tuwing may ulat na nagtatayo ng balangkas (structures) ang China sa mga reef at shoal na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. “Hindi natin kaya ang China, ayaw kong mangamatay ang ating mga sundalo,” laging bukambibig ni Mano Digong noon.
Pupunta raw siya sa West Philippine Sea-South China Sea (WPS-SCS) sa Hunyo 12 (Independence Day) upang siya mismo ang maglagay ng bandilang Pilipino sa mga isla roon upang angkinin at patunayan na pag-aari ng ‘Pinas ang mga ito. Siyam na islets sa Spratly region ang nasa kontrol ng bansa na ang pinakamalaki ay ang Pag-asa, isang lugar sa Palawan na nasa ilalim ng 5th class municipality ng Kalayaan. Siguro ay hindi siya sasakay sa jetski, tulad ng pangako niya noon.
Ang naturang lugar ay meron nang elementary school, police station, coast guard station, health center at municipal building. Mayroon na ring cellsite, desalination plant at isang solar power facility. Matagal nang okupado ito ng ‘Pinas. Ako ay nakapunta na sa Kalayaan Island noong ako’y defense reporter. Kaya lang, hanggang ngayon ay hindi pa sementado ang paliparan doon, ang Rancudo airfield.
Ang iba pang islets sa Pag-asa Island ay ang Ayungin Shoal, Lawak Island, Parola Island, Patag Island, Kota Island, Rizal Reed, Likas Island at Panata Island. Sabi ni PDu30: “Sinisikap nating makipagkaibigan sa lahat, pero kailangang angkinin natin ang hurisdiksiyon ngayon”. Iniutos niya sa AFP na magtayo ng mga structure at maglagay ng Philippine Flag doon. Dagdag pa niya: “Mukhang agawan kasi ito ng isla, eh. And what’s our now at least kunin na natin and make a strong point there that it is ours.”
Inaangkin din ng China ang mga lugar batay umano sa kanilang historic rights sa SCS na ang lawak ay 90%, na kung saan 80% ng mga barkong pangkalakal ay nagdaraan. May pag-angkin din ang Malaysia, Vietnam, Brunei at Taiwan. Labis na natutuwa ngayon ang mga Pinoy sa paninindigan ni Pres. Rody na okupahan ang nasabing islets, taliwas sa pasiya noon na huwag na tayong kumibo dahil hindi natin kaya ang China sapagkat mahina ang ating puwersa-militar.
Sabi nga ng mga kababayan natin noon: “Bakit ganoon ang attitude ng ating Pangulo gayong hindi naman tayo makikipaggiyera sa dambulang China kundi igiit lang ang ating mga karapatan sa WPS na inayunan ng Arbitral Tribunal sa The Netherlands”. Sana ay hindi na magbago ang isip ni.... Pangulong Duterte sa utos sa AFP na okupahan ang mga islet na kontrolado natin sapagkat baka biglang kumilos na muli ang China sa paniniwalang wala namang kakayahan ang ‘Pinas na bawalin sila.
Malungkot si ex-DILG Sac. Ismael “Mike” Sueno sa pagsibak sa kanya ng Pangulo. Hindi raw niya matanggap na siya ay paratangang corrupt. Siya ay dating alkalde at governor ng South Cotabato at orihinal na supporter ni Mano Digong sa pagtakbo sa panguluhan. Siya raw ay naging “sacrificial lamb” sa kampanya ng Pangulo laban sa kurapsiyon.
“Misinformed” o mali umano ang mga impormasyon ng Pangulo hinggil sa mga alegasyon na siya ay corrupt. Hindi raw siya binigyan ng due process at panahon na magpaliwanag. (Bert de Guzman)