Sugatan ang isang lalaking nagdiwang ng kanyang kaarawan, gayundin ang isa sa kanyang mga bisita, nang pagtulungang bugbugin ng limang lalaki na kanilang nakatalo sa isang restobar sa Barangay Ugong, Pasig City kamakalawa.

Nagtamo ng pasa at sugat sa katawan sina Jose Ezequel dela Cruz at Chris Gerard Ortiz, kapwa nasa hustong gulang, at residente sa Bgy. Ugong.

Nahaharap naman sa kasong attempted homicide at physical injuries sina Benhur Baldjay, Jefti Paulus, John David Boravien, Dan Carlo Rallonza at Leo Apilado, na pawang nasa hustong gulang, residente rin ng nasabing lungsod.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong 3:00 ng madaling araw nangyari ang pambubugbog sa loob ng Pulo Ihaw-Ihaw Restobar sa Ortigas Avenue, Bgy. Ugong.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Una rito, nagpunta sa nasabing bar si Dela Cruz kasama ang kanyang mga kaibigan, isa na rito si Ortiz, para sa advance celebration ng kanyang kaarawan.

Gayunman, sa hindi pa malamang dahilan ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang grupo ni Dela Cruz at ng mga suspek na nahantong sa pambubugbog.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP-1) at inaresto ang mga suspek.

(Mary Ann Santiago)