ALDEN AT MAINE copy

PAGDATING pa lamang sa Los Angeles, California nina Alden Richards at Maine Mendoza, kasama sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros para sa kanilang “Kalyeserye sa US,” grabe na ang fans na sumalubong. Naghintay ang mga ito ng mahigit dalawang oras bago sila nakita.

Spring break at Holy Week kaya puno ang lahat ng flights sa Los Angeles International Airport (LAX) kaya napakahaba ng pila. Nang makalabas sila, hindi na napigilan ng malalaking Rogelio (bodyguards) ang sumugod na fans. Resulta, may mga kalmot sa leeg at braso si Alden na pilit tinakpan si Maine nang magkagulo na ang mga tao at bago sila naihatid sa kanilang sasakyan.

First time ni Maine na magkaroon ng show sa Amerika kaya dream come true ito sa AlDub fans doon at katuparan din ng promise ni Alden nang magkaroon siya ng show with other Kapuso stars sa LA last January na kasama na niya si Maine pagbalik niya.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Natulog lang sila at kinabukasan, Sunday morning (LA time), maaga pa ay nag-rehearse na silang lima ng kani-kanilang numbers. Noon din lumabas ang balitang sold out na ang tickets. May friends nga kaming taga-New York na nanood muna sa LA bago bumalik ng New York para naman sa concert nila roon sa Wednesday, April 12.

Big success ang kanilang concert. Marami ang lumabas na pictures ng mahabang pila sa Pasadena Civic Auditorium.

Karamihan sa kanila ay senior citizen na, at ang oldest ay ang dalawang lola aged 88 years old. Binigyan daw sila ng bubble heads nina Alden at Maine as a gift. Marami inilagay na security sa harap ng concert stage. (Pawang updates po ito ng mga kaibigan naming nasa LA na nanood ng show).

Nagsimula ang concert sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga eksenang nangyari sa kalyeserye sa Eat Bulaga. Nagkaroon muna ng kani-kaniyang number sina Jose, Wally at Paolo, bago sila nagsama-sama. Pero nang lumabas na si Alden for his song and dance number na One Call Away, hindi na napigilan ang mga nasa VIP section na sumugod sa harap nang bumaba ang singer/actor sa stage.

Kinanta rin ni Alden ang paborito nilang song ni Maine na God Gave Me You. Paglabas ni Maine, tilian, lalo na nang kumuha sila sa audience ng makikipag-selfie sa kanila. Ang isang nakuha nila ay taga-Binangonan, Rizal pero matagal nang naninirahan sa LA.

Itinanong ng host ang request ng fans na malaman na ang real score nina Maine at Alden, bilang kasagutan ay kinanta nila ang theme song ng Destined To Be Yours na Tadhana. At magki-kiss na sana sila nang bumusina at pumasok na si Lola Nidora (Wally) kasama ang tatlong American Rogers (Rogelio) kasunod sina Lola Tidora (Paolo) at Lola Tinidora (Jose), simula na ng kalyeserye part ng concert.

Tiyak na nahirapan ding manood sa live periscope ng concert ang fans dito sa atin dahil sabay na ipinalabas naman ang Monday Eat Bulaga Lenten Special na nagtatampok kina Ai Ai delas Alas, Paolo Ballesteros at si Alden Richards naman sa Kapatid kasama si Ryan Agoncillo. (NORA CALDERON)