MATAGAL nang problema sa Pilipinas ang mabagal na serbisyo sa Internet. Ang bilis ng Internet sa bansa ay sinasabing pinakamabagal sa buong Southeast Asia at isa sa pinakamababagal sa buong Asia. Batay sa datos noong 2016, mahigit 44 na milyong katao (mula sa kabuuang 100 milyong populasyon) ang napaulat na gumagamit ng Internet, ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagrereklamo sa mabagal na serbisyo nito.
Sa katatapos na 2017 Philippine Telecoms Summit na idinaos sa Philippine International Convention Center, nabanggit na mayroon lamang 16,300 tower sa bansa, kumpara sa 70,000 ng Vietnam. Ang dahilan, batay sa inilahad sa summit ni Globe Telecom Chief Information and Technology Officer Gil Genio, ay ang bureaucratic red tape. Aabutin ng hanggang walong buwan bago makumpleto ang proseso ng pag-apruba sa pagpapagawa ng isang cell site at sangkot sa proseso ang nasa 25 permit, aniya.
Walang umiiral na patakaran sa singil sa mga lokal na pamahalaan para sa konstruksiyon ng mga tower; nagkakahalaga ito ng P5,000 hanggang P200,000. Ang mga permit ay hindi lamang nakukuha sa mga pamahalaang lokal, kundi mayroon din sa mga barangay at subdibisyon at homeowners’ association. Halos 30 sa mga ito sa Metro Manila ay tumanggi sa panukalang cell site dahil sa pangambang makaaapekto ito sa kalusugan, sa kabila ng may pinalabas nang radiation safety certificate ang Department of Health (DoH).
Kailangang mapabilis ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ang pagkumpleto sa mga dokumento para sa pagpapagawa ng mga cell site. Maaaring tutukan ng bagong Department of Information and Communication Technology (DICT) ang problemang ito. Inihain na rin sa Kongreso ni Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte ang isang panukala sa nanananawagan, bukod sa iba pang mga probisyon, na gawing simple at mabilis ang proseso sa pagkuha ng mga permit para sa mga cell site.
Sa nakalipas na dalawang taon, halos madoble na ang bilis ng Internet sa Vietnam sa 2.9 hanggang 5 megabits per second (mbps), na walang dudang dahil sa libu-libong bagong tower nito. Doble naman ang Thailand sa 10.8 mbps, at ang Indonesia sa 4.5 mbps. Sa Pilipinas, umakyat ito mula sa 2.5 ay naging 3.5 mbps. Maaaring maresolba ng gobyerno ang problema sa pagkuha ng mga permit para makapagpagawa ng mga bagong cell site.
A pagsisikap na mapabuti pa ang serbisyo ng Internet, mainam na tigilan na ang sisihan at alamin na lamang kung paanong makatutulong ang bawat sektor sa digitization na ngayon ay may mahalagang tungkulin sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ang pagpapasimple sa proseso ng pagkuha ng permit ay isang malaking hakbangin na maaaring isakatuparan ng pamahalaan.