Naging inspirado pa si Pangulong Rodrigo Duterte na magpursige sa pagsisilbi sa bayan matapos siyang makakuha ng “very good” net public satisfaction rating sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS), sinabi kahapon ng Malacañang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na labis ang pagpapahalaga ng Presidente sa tiwala ng taumbayan kaya naman patuloy nitong ipatutupad ang kampanya laban sa ilegal na droga, krimen at kurapsiyon.

“Although surveys are not his priority, it inspires the Chief Executive and the national leadership to continue its top agenda of ridding Philippine society of drugs, criminality, and corruption, or building a trustworthy government, prosperity for all, and peace within our borders,” sabi ni Abella.

Sa nasabing survey ng SWS, nakatanggap ang Pangulo ng +63 public satisfaction rating, ang kaparehong “very good” rating na natanggap niya noong Disyembre.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Isinagawa nitong Marso, natukoy sa survey na 75 porsiyento ng 1,200 respondents ang kuntento sa trabaho ng Presidente, 12 porsiyento ang hindi kuntento, at 12 porsiyento pa ang hindi makapagdesisyon.

Ang masa, o silang nasa Class D, ang nananatiling consistent sa satisfaction rating ng mga ito kay Pangulong Duterte sa +64.

Ang satisfaction naman mula sa respondents na kabilang sa classes A-B-C ay naging +56, apat na puntos na mas mataas sa +52 noong Disyembre 2016.

Samantala, umabot sa +60 ang satisfaction rating na natanggap ni Pangulong Duterte mula sa respondents na kabilang sa class E. (GENALYN KABILING at BETH CAMIA)