Pinaalalahanan kahapon ng US Embassy sa Maynila ang mamamayan nito na mag-ingat sa pagtungo sa Central Visayas dahil sa banta ng kidnapping mula sa mga teroristang grupo.
Sa travel advisory ng embahada na inilabas kahapon, sinabi nito na may natanggap itong “unsubstantiated” ngunit “credible” na impormasyon na ilang teroristang grupo ang posibleng mangidnap sa Cebu at Bohol sa Central Visayas.
“US citizens are advised to carefully consider this information as you make your travel plans, and to review personal security plans, avoid large crowds and gatherings, and remain vigilant at all times,” saad sa travel advisory.
Pinaalalahanan din ng embahada ang mamamayan nito sa “Worldwide Caution” na inisyu nitong Marso 7, 2017 tungkol sa banta ng terorismo at karahasan laban sa mamamayan ng Amerika.
Ayon sa travel advisory, posibleng target ng mga pag-atake ng mga teroristang grupo ang sporting events, sinehan, palengke, mass transportation systems, mga paliparan at iba pang public venues. - Mary Ann Santiago