Namatay na bayani ang isang lalaki makaraang makuryente sa pagtulong sa pag-apula sa sunog sa isang residential area sa Las Piñas City, nitong Sabado ng gabi. Aabot naman sa 200 pamilya ang nawalan ng bahay.

Dead on arrival sa Las Piñas General Hospital si Jefferson Tangher y Brazos, nasa hustong gulang, na nagtamo ng lapnos at sugat sa katawan.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson kay Fire Chief Insp. Jessie Alumpiano, ng Las Piñas Fire Department, dakong 9:36 ng gabi nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Dino Obanil na nasa likod ng Zapote Plaza, Barangay Zapote at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Agad rumesponde ang mga bumbero at ilang residente, kabilang si Tangher, ang tumulong sa pagpatay sa apoy gamit ang balde-baldeng tubig.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sa gitna ng pag-apula sa naglalakihang apoy, bigla umanong nangisay si Tangher at nawalan ng malay dahilan upang isugod siya sa nasabing ospital ngunit huli na ang lahat.

Umabot sa Task Force Bravo ang sunog bago tuluyang naapula bandang 1:08 ng madaling araw kahapon.

Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog. (Bella Gamotea)