GINUNITA ng bansa kahapon ang ika-75 Araw ng Kagitingan o Day of Valor.
Bilang pagbibigay-pugay sa napakahalagang araw ng pagkilala sa kabayanihan ng magigiting na Pilipinong mandirigma, tinanong ang ilang artist kung ano, para sa kanila, ang kahulugan at kabuluhan ng “Araw ng Kagitingan”.
”Malaking bagay ang pagbibigay pagkilala sa mga beterano at bayani sa paggunita sa kanilang mga kontribusyon sa bansa,” ayon sa pintor na si Ed de Guzman. ”Pinatunayan nila ang pagmamahal sa bayan sa pagbubuwis nila ng sariling buhay upang makamtan natin ang kapayapaan at kalayaan.”
Ayon sa pintor mula sa Quezon City, batay sa kanyang obserbasyon sa mga panahong ito, mistulang nalimutan na ng kabataan ang mabubuting kaugaliang Pilipino gaya ng pagmamahal sa bayan.
Mungkahi niya, ituro sa mga paaralan ang mga kaugaliang gaya nito upang matiyak na maipagpapatuloy ng mga susunod na henerasyon.
”Mahalaga rin na pagtuunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga beterano upang mabigyan sila ng pag-asa upang magsilbi silang huwaran ng mga susunod na henerasyon sa larangan ng pakikipaglaban para sa bayan,” sabi ni de Guzman.
Mga beterano ng digmaan ang mga lolo ng visual artist na si Aleili Ariola-Oclos. “Nakikinig kami sa mga kuwento nila,” sabi niya. “Kahit pa paulit-ulit na nilang ikinukuwento, mahalagang malaman nila na handa kang makinig, at sa puso mo, interesado kang malaman ang kanilang kuwento.”
Binigyang-diin din ni Ariola-Oclos na higit pa sa kahit na anong karangalan na maaaring matanggap ng mga beterano ay labis nilang pinahahalagahan ang pag-aaruga sa kanila.
“Minsan, hindi materyal na bagay ang kailangan ng mga tao para maramdaman nila ang kanilang halaga. Ang iparamdam sa kanila na mahalaga sila ang pinaka-importante,” ayon sa visual artist mula sa Cavite.
Aniya, tuwing naririning niya ang salitang “Bataan”, naaalala niya ang kuwento ng kanyang mga lolo at lola.
“Kuwento ng lolo ko, nagmartsa raw siya habang nakakadena ang mga paa. ‘Yung lola ko naman, nagpanggap daw siyang lalaki upang maiwasang magahasa ng mga Hapon,” ani Ariola-Oclos.
Para sa kanya, ang “Araw ng Kagitingan” ay hindi lamang para sa mga armadong nakipaglaban, kundi para rin sa mga nakipaglaban para sa sariling pamilya at para sa bayan.
“Dapat nating irespeto hindi lang ang mga beterano ng digmaan, kundi ang lahat ng matatanda,” sabi niya.
Sinabi naman ng asawa niyang pintor na si Archie Oclos na karapat-dapat ang mga beterano sa pagmamahal at paggalang.
“Isinakripisyo nila ang sarili nilang mga buhay para sa kapakinabangan ng marami, at nagsilbi sila sa bayan nang hindi humihingi ng anumang kapalit,” sabi ni Oclos, na kabilang sa mga obra ang mga mural sa Bonifacio Global City sa Taguig at sa Dasmariñas, Cavite.
Para kay Oclos, ang paggunita sa Araw ng Kagitingan ay pagkilala sa kabayanihan ang mga beteranong mandirigmang Pilipino. - PNA