MATAPOS sumegunda sa first stage, inangkin ng Filipino national rider na si George Oconer ng Go-for-Gold Philippine Cycling Team ang stage classification honor ng ginaganap na Sri Lanka T-Cup.
Kumalas si Oconer sa huling 300 metro ng lateral buhat sa kinabibilangang 4-man lead pack upang makamit ang unang stage win.
Tinapos ng 22-anyos na si Oconer, kasalukuyang naghahanda para sa darating na Southeast Asian Games sa Agosto sa Malaysia, ang kabuuang 96 na kilometrong karera sa tiyempong dalawang oras, 22 minuto at 48 segundo.
Naiwan niya ng isang segundo ang Australian rider ng CNN na si Samuel Volley at Hari Firianti ng Indonesia at apat na segundo naman ang kakampi at kapwa national team member na si Ryan Cayubit.
Dahil sa kanyang panalo, nangunguna ngayon si Oconer. Tangan ng dating Olympian at kasalukuyang national coach na si George Oconer sa overall individual classification kung saan mayroon siyang apat na segundong lamang sa pumapangalawang si Volker.
Nangako si Oconer na gagawin ang lahat upang maipanalo ang individual classification sa pagtatapos ng tatlong araw na karera sa tulong ng kanyang mga kakampi na sina Cayubit, Elmer Navarro, team captain Ronnel Hualda at Jerry Aquino Jr
Gayunman, sa pagsisikap na makuha ang second stage individual honors, nawala sa Go-For-Gold ang pamumuno sa team classification na naagaw sa kanila ng CNN at ngayo’y nakakalamang sa kanila ng dalawang minuto. - Marivic Awitan