ISANG 5.5-magnitude na lindol ang yumanig sa Batangas nitong Martes, na nagpaguho sa isang bahagi ng Taal Basilica, at sinundan ng 60 aftershocks na naramdaman sa buong Southern Luzon at Mindoro, at maging sa Metro Manila at Bulacan.
Bago pa yanigin ang Batangas, lumindol din sa Surigao noong Pebrero, pagkatapos ay sa Caraga, Davao, Socksargen, at sa Surigao uli. Nitong Sabado, isang serye ng pagyanig ang muling tumama sa Batangas, ang pinakamalakas ay nasa 6.0. Ang mga lindol ay nagpapaalala sa maraming tao na totoong may banta ng “Big One” na maaaring manalasa anumang oras.
Ang pangambang ito ay batay sa katotohanang mayroong West Valley Fault sa kailaliman ng lupa na nagmula sa kabundukan ng Sierra Madre patungong timog-kanluran, tinutumbok ang Metro Manila, at dumadaan sa pagitan ng Quezon City at Marikina City, patawid sa Pasig River, sa may silangan ng Makati City, Taguig City, at Muntinlupa City. Ang fault na ito ay apat na beses nang gumalaw sa nakalipas na 1,400 taon, at sa taya ay gumagalaw kada 400 taon, ayon kay Renato Solidum, Jr., ang director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Huling beses itong gumalaw noong 1658, o 357 taon na ang nakalipas. Posibleng yumanig ang 7.2-magnitude na lindol sakaling gumalaw ito ngayon, ayon sa kanya.
Ito ang dahilan kaya nagsasagawa ng kabi-kabilang earthquake drill ang mga lokal na opisyal sa Metro Manila, ipinaaalam sa mga tao, partikular sa mga batang mag-aaral, kung ano ang dapat nilang gawin sakaling mangyari nga ang “Big One”. Noong nakaraang taon, saklaw ng “Shake Drill” maging ang Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna, ang mga lalawigang nasa ibabaw ng West Valley Fault na nasa Metro Manila.
Pinakamainam na maging handa tayo sakaling yanigin tayo ng malakas na lindol. Dapat na maghanda tayo ng mga emergency kit na naglalaman ng mga gamot, pagkain, tubig at iba pang pangunahing mga pangangailangan sakaling biglang mawalan ng kuryente at iba pang serbisyo. Tinatayang 34,000 katao ang masasawi sa isang malakas na lindol sa Metro Manila dahil karamihan sa mga gusali sa lugar ay hindi makakayanan ang lindol na may lakas na magnitude 7.2. Maraming iba pa ang magdurusa at mamamatay sa mga susunod na linggo kung hindi handa rito ang gobyerno at ang mismong mamamayan.
Dahil sa mga pagyanig sa Batangas at Surigao kamakailan, dapat na maging alerto tayo na totoong may panganib na nakaamba sa atin anumang oras. Isa itong panganib na may siyentipikong basehan at pinakamabuting handa tayo kapag nangyari ito.