Ni NORA CALDERON
DALAWANG beses naming nakausap si LJ Reyes, una sa kanyang bagong show, ang afternoon prime sexy dramedy series na D’Originals at sa papatapos nang Pinulot Ka Lang Sa Lupa (PKLSL) sa Holy Wednesday, April 12. Biniro si LJ na bongga ang career dahil ang D’Originals ang papalit sa matatapos na serye.
“Salamat po sa blessings na dumarating,” natatawang sagot niya. “Thankful nga ako na dito naman sa bagong show, magpapatawa naman ako. Sumakit na ang dibdib ko sa aming drama serye, minsan, simula sa umaga hanggang gabi, wala kaming ginawa kundi umiyak. Pero mami-miss ko talaga si Direk Gina (Alajar). She’s an actor’s director, maalaga siya sa mga artista niya, ang bait-bait niya.
“Mami-miss ko rin si Ate Jean (Garcia), ang husay-husay niyang actress talaga, minsan sa isang camera, scheming siya, sa kabilang camera mabait naman siya.”
Ayaw pang i-reveal ni LJ kung ano ang mangyayari sa character niyang si Angeli sa PKLSL. Basta magugulat daw ang televiewers.
First time palang gagawa ni LJ ng dramedy kaya sabi raw niya sa boyfriend niyang si Paolo Contis, huwag siya nitong lalaitin sa pagpapatawa. Noon daw kasi sinabihan naman siya ni Paolo na huwag itong lalaitin sa pagdadrama nito.
“Nagpapasalamat po ako na nabago naman ang ginagawa ko, nakakapagod din kasi ang sunud-sunod na drama. Noon, ginawa ko ang Yagit, then itong PKLSL. Kaya welcome na welcome sa akin ang D’Originals. Wala naman akong kissing scene dito, smack-smack lang kami ni Mark (Herras) bilang husband ko. Saka first time ko to work with Ms. Jaclyn Jose, isa pang napakahusay na actress, mai-inspire ka sa kanya kapag kaeksena mo siya. Masaya ang set namin, kahit first time din lang kaming nagkasama-sama nina Kim Domingo, Meg Imperial, Lovely Abella. Si Katrina (Halili) lang ang madalas ko nang makasama.”
Masaya ring naikuwento ni LJ na nag-enjoy siya nang husto sa panonood ng concert ng Coldplay.
“Valentine gift sa akin ni Paolo ang Coldplay ticket, nakakaiyak pala talagang manood sa kanila, lalo na kung first time ka. Feel mo kasi sa mga songs nila kung paano nila ma-influence ang mga Pinoy. Hindi ako nagtataka kung bakit mayroong pumupunta pa sa ibang lugar ng kanilang concert para lamang mapanood sila muli.”
Sa ni-rent na bahay sa Tagaytay gugunitain ng kanilang buong pamilya ang Holy Week. Kasama nila ang stepsisters and stepbrothers niya, at si Paolo at si Aki.
“Pero sa July, pupunta kami ni Aki at ni Paolo kay Mama sa New York. Nami-miss na ni Mama ang apo niya kaya bago ang start ng school ni Aki, pupunta muna kami sa kanya.”
Ang D’Originals ay mapapanood na simula sa April 17, after Legally Blind.