Aabot na sa 76 na aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kasunod ng pagtama ng magkakasunod na lindol sa Mabini, Batangas, nitong Sabado ng hapon.
Sa inilabas na report ng Phivolcs, natukoy ang pinakamalakas na aftershock sa 4.7 magnitude sa layong 15 kilometro sa hilaga ng bayan ng Calatagan, at lumikha ng uka na may lalim na 42 kilometro.
Ayon sa Phivolcs, ang pinakahuling aftershock, dakong 12:30 ng tanghali kahapon, ay nasa magnitude 1.8 sa bayan ng Mabini.
Sinabi ng Phivolcs na normal lamang na maranasan pa ang aftershocks sa Batangas at mga karatig nitong lugar sa mga susunod na araw.
SUGATAN
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, isang lalaki ang nasugatan makaraang mabubog sa braso sa pinagtatrabahuhang pagawaan ng salamin.
Batay naman sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRMMO), habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa madaanan ang mga kalsada sa Barangay Bilibinwang sa Agoncillo at sa mga barangay ng Dela Paz, Ilijan at Pagkilatan sa Batangas City dahil sa landslides.
Nagkaroon din ng landslide sa Mount Maculot sa bayan ng Cuenca.
Nasa mahigit 50 bahay ang napinsala ng lindol sa iba’t ibang bayan, bukod pa sa mga establisimyento at pasilidad na nagkabitak o nasira, habang libu-libo naman ang inilikas.
Sa Bgy. Ligaya sa Mabini, gumuho ang isang bahagi ng Hotel Camp Netanya at nabagsakan ng debris ang tatlong nakaparadang sasakyan.
Nagkabitak-bitak din ang mga pader sa Mabini General Hospital sa Bgy. Pulong Niogan at kaagad na inilikas ang mga pasyente, bahagya ring napinsala ang Anilao Market, habang nawasak naman ang seawall at nagkabitak ang mga kalsada sa Sitio Balanoy, Bgy. San Teodoro.
Sa kabuuan, mahigit 2,000 katao ang inilikas sa Mabini, ang epicentre ng pagyanig.
Sa Bauan, nagkabitak-bitak ang San Pedro Bridge, nabagsakan ng debris at hindi madaanan ang San Roque Road, nagtamo ng pinsala ang Bauan Church at nasira ang ilang bahay sa mga barangay ng San Andres at Pitugo.
KURYENTENG PASULPUT-SULPOT
Sa San Pascual, mahigit 100 bahay ang nawalan ng kuryente habang on and off naman ang supply sa ibang bayan.
Sa Taal, pansamantalang inilikas ang mga pasyente ng Taal Polymedic Hospital at mga residente ng Bgy. Tatlong Maria.
Napinsala at pansamantalang isinara ang Minor Basilica of the Immaculate Conception sa Batangas City, kaya naman sa Plaza Mabini idinaos ang misa para sa Linggo ng Palaspas kahapon ng madaling araw.
Mahigit 3,000 residente ang inilikas sa Batangas City.
Bahagya ring nasira ang San Juan District Hospital sa bayan ng San Juan, gayundin ang munisipyo ng Mataas na Kahoy.
INAAYUDAHAN
Samantala, namahagi na ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa evacuees, kabilang ang daan-daang kumot, mga bottled water, mga tents at food packs
Bagamat marami ang nagpalipas ng magdamag sa mga open field, isa-isa nang nagbabalikan sa kani-kanilang bahay kahapon ang mga lumikas.
Sinabi naman ni Vice Gov. Sofronio Ona na hinihintay pa nila ang report ng PDRRMO bago magdeklara ng state of calamity ang Pamahalaang Panglalawigan.
Matatandaang magkakasunod na niyanig ang Batangas ng magnitude 5.7, 6.9, 5.0 at 4.7 nitong Sabado ng hapon.
(May ulat nina Danny Estacio at Mary Ann Santiago) (ROMMEL TABBAD at LYKA MANALO)