“MUKHANG ang lahat ay nang-aagaw ng teritoryo sa West Philippine Sea, mabuting tumira na tayo doon sa mga bakante pa”, wika ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Western Command of the Armed Forces of the Philippines sa Puerto Princesa, Palawan City. Kaya, aniya, inatasan ko ang sandatahang lakas na okupahin ang lahat ng teritoryo ng Pilipinas at itayo ang bandera sa mga ito. Nais nating makapagkaibigan sa lahat, sabi niya, pero kailangan panatilihin natin ang ating hurisdiksiyon sa mga teritoryong kontrolado natin. Ipakita umano natin ang malakas nating presensiya sa mga inookupahan na natin. “Sa darating na Independence Day, baka ako tumungo sa Pagasa para itaas ang bandera” sabi pa ng Pangulo, “para ipakita na atin ito.” Nakakuha yata siya ng istilo sa Kadamay?

Tototohanin kaya ng Pangulo ang tinuran niyang ito o baka kumambiyo na naman siya at sabihing nagbibiro lang siya?

Baka tawanan na naman tayo dahil naniwala tayo tulad nang sabihin niyang nakausap niya ang Diyos? Pero, gawin man ito ng Pangulo o hindi, malamang na nagpantig ang tainga ng mga bansang kaagaw natin sa mga nasabing teritoryo kung hindi pa nila kabisado ang Pangulo. Bukod sa China, ang mga bansang umaangkin sa mga ito ay ang Brunei, Malaysia, Vietnam, at Taiwan. Baka paghandaan na rin nila ang gagawin ng Pangulo.

Hindi ko alam kung ano ang magiging epekto nito sa impeachment complaint ni Magdalo Rep. Gary Alejano. Sa inamyendahan niyang reklamo inaakusahan niya ang Pangulo ng “inaction” at “direction of duty” dahil hindi raw nito ipinursige ang karapatan ng bansa sa Panatag Shaol, West Philippine Sea at Benham Rise. Betrayal daw ng public trust at paglabag sa Saligang batas ang hindi pagkibo ng Pangulo laban sa panghihimasok ng China sa teritoryo ng bansa. Ano ang magiging batayan ngayon ng reklamong ito ni Rep. Alejano? Hayan na nga at pinaookupa ng Pangulo ang mga bakanteng teritoryong inaari natin at inatasan ang sandatahang lakas na manatili sa mga kontrolado natin at itayo ang bandera ng bansa. Baka siya pa nga raw mismo ang gumawa nito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Magre-recess na ang Kongreso nang isampa ni Alejano ang impeachment complaint. Taktika raw ito upang hindi ma-dismiss kaagad ang reklamo dahil malamang... na pairalin ng mga kaalyado ng Pangulo ang dami nila sa Kamara. Sa isang banda, iyong haba ng recess, bukod sa mapag-aaralan ng mga Kongresista ang demanda at makakuha ng suporta, naihahayag sa mamamayan ang kakulangan ng Pangulo. Ang problema, sa Mayo 2 na magbabalikan ang mga mambabatas. Kapag tinalakay nila ang impeachment, wala nang batayan ang akusasyong betrayal of public trust at paglabag sa Saligang Batas dahil matapang nang ipinursige ng Pangulo, kahit sa salita lang, ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo laban sa panghihimasok ng China. Hindi kaya iniisahan lang ng Pangulo si Alejano, o kaya hyperbole na naman ito?

(Ric Valmonte)