Ni Ellaine Dorothy S. Cal

Gabi nitong Martes, Abril 4, nang nilindol ang ilang bahagi ng bansa, partikular na ang Batangas, na ikinataranta at ikinatakot ng mga kababayan nating nakaramdam ng pagyanig.

Nitong Sabado ng hapon, nasundan ito ng magkakasunod na pagyanig, nasa magnitude 5.7, 6.0, 5.0, na muling nakasentro sa Batangas at naramdaman sa mga karatig-lalawiganat maging sa Metro Manila.

Kasunod ng lindol, kapansin-pansin ang sunud-sunod na post ng mga netizen sa pangyayari; ang iba sa kanila ay ‘tila nalungkot pang hindi naramdaman ang pagyanig, at mangilan-ngilan din ang nagawa pang humugot.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ngunit, gaano ba kahanda si “Juan” sa pagdating ng “Big One”? Anu-ano nga ba ang dapat gawin habang lumilindol at pagkatapos lumindol?

Sa halip na unahin ang pagpo-post sa social media, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mas makabubuting alamin ang lokasyon ng lindol.

KAPAG NASA OPISINA O PAARALAN

Sa oras na maramdaman ang pag-uga ng lupa, manatiling kalmado at gawin ang “duck, cover, and hold” upang maprotektahan ang sarili sa nagbabagsakang bagay.

SA KALSADA

Magtungo sa bakanteng lote na malayo sa dagat, lawa o bundok. Pinapayuhan ding lumayo sa mga puno, poste ng kuryente, pader, at ibang istruktura na maaaring gumuho o mabuwal.

At kung nagmamaneho, itabi at ihinto ang sasakyan at huwag na huwag dadaan sa tulay, overpass, o foot bridge.

Anu-ano naman ang dapat gawin pagkatapos ng lindol?

Tingnan ang pinsalang natamo, gayundin ang iyong mga kasama. Maglakad nang mabilis at lumabas sa pinakaligtas na daan. Makatutulong din ang pakikinig ng balita at sumunod sa instruksiyon.

Sa kabila ng lahat ng mga paalala, dasal pa rin ang pinakamabisang proteksiyon laban sa anumang kapahamakan.

Stay safe!