KAPANALIG, pagsasaka ang isa sa mga sektor na kailangan nating patatagin.
Hindi lingid sa atin na ang mga magsasaka ang isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan. Base sa opisyal na datos, aabot sa 38.3% ang poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka. Bukod dito, ang mga manggagawang kabilang sa sektor na ito ay tumatanggap ng napakababang suweldo; P156.8 kada araw. Malayo sa minimum wage hindi ba? At marami rin sila. Halos one-third ng ating labor force ay agricultural workers. Humigit kumulang 12 milyong katao ang katumbas nito.
May iba pang salik na nakakaapekto sa sitwasyon ng ating mga magsasaka at isa na rito ang climate change. Mas mahabang tag-init, mas malakas na pag-ulan at bagyo: ang mga ito ang pumipinsala sa kanilang mga pananim at nagpapaliit sa kanilang kita. Maraming beses din na ang mga sakunang ito ang nagpapalugi sa maraming magsasaka.
Malaki rin ang epekto sa bayan ng globalisasyon. Mas mura na ang ibang agricultural products sa mga karatig bansa.
Humihina ang mga lokal na produkto dahil sa kumpetensiya.
Ang pagtanggi rin ng marami nating kababayan sa pagpapatuloy ng pagsasaka ay lumalaki na ring isyu. Ang karaniwang edad ng mga magsasaka ngayon ay 57. Tatlong taon na lamang, retirement na ng iba. ‘Yung iba na kaya pang magtrabaho hanggang 70, mga isang dekada na lang ang productive years, at hindi rin ito sigurado. Maaaring maramdaman na natin ang shortage of farm workers sa loob ng lima hanggang sampung taon.
Kapag hindi natin pinatatag ang farming sector, hindi lamang ito ang maaapektuhan, kundi tayong lahat. Ang paghina nito ay may malaking implikasyon sa ating food security, lalo na sa harap ng tumataas na bilang ng populasyon at lumalawig nating consumption patterns. Hindi nararapat na umasa tayo sa food imports pagdating ng panahon, lalo pa at tumataas ang halaga ng dolyar ngayon.
Prayoridad: ito ang dapat maisaayos ng ating lipunan ngayon. Masyado tayong abala sa pamumulitika at social media, hindi natin nabibigyan ng atensiyon ang mga problema ng bayan na may pangmatagalang implikasyon sa ating buhay at sa mga susunod na henerasyon? Isang matinding paalala mula sa Laudato Si: “Our world has a grave social debt towards the poor.” Ang utang na ito ay patuloy na lumalaki habang patuloy natin itong isinasantabi.