Nagbuo na ng koponan ang founders ng Beach Volleyball Republic na tatawaging Perlas Lady Spikers na nakatakdang sumabak sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na sisimulan sa Abril 30, sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

“We’ve decided to call our team Perlas Lady Spikers,” pahayag ni Charo Soriano, isa sa co-founders ng BVR.

Isa si Soriano sa mga lalaro para sa koponan na kinabibilangan din nina dating Ateneo stars Bea Tan, Amy Ahomiro at Dzi Gervacio. Magsisilbi namang mentor ng team si Coach Jerry Yee ng University of the Philippines.

May mga nauna nang ulat na ang Brazilian na si Rupia Inck ang isa sa magiging imports ng koponan sa season-opening conference kung saan pinapayagan ang bawat kalahok na kumuha ng tig-dalawang reinforcements.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We’re hoping to be competitive,” ayon pa kay Soriano.

Sa kaugnay na balita, ang dating koponan na kinaaniban ni Soriano, ang Bali Pure, ay gagabayan ng multi-titled coach na si Roger Gorayeb.

“Ako na ang magku-coach ng Bali Pure,” wika ni Gorayeb na kasalukuyang bench tactician ng National Univerity sa UAAP at ng San Sebastian College sa NCAA.

Plano ni Gorayeb na kunin bilang players ng Water Defenders sina Lady Stags Grethcel Soltones at Alyssa Eroa at Lady Bulldogs Jorelle Singh, Aiko Urdas, Risa Sato at Jasmine Nabor kasama ni PLDT libero Lizlee Ann Pantone.

“Hindi pa naman sila nagku-commit pero ‘yun ang plano, kukunin ko sila para sa first conference,” ayon pa kay Gorayeb.

Ang iba pang mga koponang nagkumpirmang lalahok ay ang Pocari Sweat, Air Force, Iriga City at ang Creamline.

(Marivic Awitan)