Gaya ng dati, noong nakaraang Game 3 ng 2017 PBA D-League Aspirants Cup Finals sa pagitan ng nagkampeong Cignal-San Beda HD Hawkeyes at Racal Ceramica Tile Masters,may mga kilalang personalidad na nanood, kabilang na rito ang ilng PBA coach, scout at team manager.

Isa na rito ang assistant team manager ng Mahindra na si Joe Ramos na naghahanap ng bagong talentong puwede nilang i-recruit para maging bahagi ng Floodbusters.

At pagkatapos ng laro, mayroon nang napusuan si Ramos na agad din niyang kinausap at inalok ng pagkakataong makapaglaro sa PBA mula sa kampo ng runner-up na Racal. Ang nasabing manlalaro ay walang iba kundi ang dating Philippine Christian University standout na si Jackson Corpuz.

Ayon kay Ramos, matagal na nilang namamatan si Corpuz. Gayunman, minabuti nilang patapusin muna ang laban ng Racal sa finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We wanted to sign him up earlier, but with Racal’s success in the playoffs, we did not want to disrupt their run,” pahayag ni Ramos.

Bagamat nabigong mabigyan ng titulo ang Racal, ang maganda niyang performance sa kabuuan ng Aspirant Cup ay naging daan naman para sa 6-foot-4 forward na si Corpuz upang mabigyan siya ng tsansang makapaglaro sa PBA.

Sa kanyang huling conference sa D-League, nagtala si Corpuz, na inaasahang masasalang ngayong gabi kontra Talk N Text, ng average na 12.4 puntos at 7.1 rebounds. ( Marivic Awitan)