ITO ang linggo — ang Semana Santa na magsisimula ngayon — kung kailan mistulang bumabagal ang galaw ng buhay sa bansa. Iilan na lang ang magseserbisyo sa mga tanggapan ng gobyerno. Wala ring pasok sa eskuwela. Karamihan sa mga kainan ay sarado rin, partikular kapag Huwebes Santo at Biyernes Santo. Nagsisiuwian sa mga probinsiya ang mga taga-Metro Manila, kaya naman mabibilang sa daliri ang makikita sa lansangan.
May magagandang balita sa nakalipas na mga araw bago ang Mahal na Araw, ang 40 araw ng Kuwaresma, na masasabing may kinalaman sa diwa ng banal na panahon na ating ginugunita. Lumambot nitong Martes ang puso ni Pangulong Duterte, na sa una ay kinondena ang pagrerebeldeng ipinamalas ng grupo ng mahihirap na sumalakay at umokupa sa mga bakanteng pabahay ng gobyerno sa Bulacan. Aniya, hayaan na silang tumira sa mga bakanteng bahay. Magpapatayo na lang ang pamahalaan ng mga bagong bahay para sa mga sundalo at pulis na pinaglaanan ng mga inokupang pabahay sa Bulacan.
Muling nagharap sa Netherlands ang mga negosyador ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) upang isalba ang usapang pangkapayapaan na kamakailan ay kinansela dahil sa hindi pagkakasundo sa usapin ng pagpapalaya sa mga bilanggo. Muli nilang susubuking magkasundo sa mga usaping socio-economic at political-legal.
Sa nakalipas na mga linggo ay may tensiyon kaugnay ng presensiya ng mga barko ng China sa Benham Rise, isang saganang likas-yaman sa ilalim ng dagat sa silangan ng Luzon, at bahagi ng continental shelf ng bansa. Agarang itinanggi ng Chinese Foreign Ministry na interesado ito sa Benham Rise at idineklarang bukas ang China sa pakikipagtulungan sa scientific marine research kasama ang Pilipinas.
Maraming iba pang kontrobersiyal na usapin sa ating pamumuhay — mga alegasyon ng kurapsiyon na nagbunsod sa pagkakasibak sa puwesto sa isang kasapi ng gabinete, pagbibitiw sa tungkulin ng ilang immigration officer sa paliparan dahil sa hindi masingil na overtime pay na nagresulta sa mahahabang pila ng mga dumarating na pasahero, at ang patuloy na banta ng mga reklamong impeachment laban sa Presidente at Bise Presidente ng ating bansa. Umaasa tayong ang diwa ng Semana Santa sa ating Katolikong bansa ay makatutulong kahit paano upang maresolba ang mga ito at ang iba pang mga kontrobersiya.
Sa kabuuan, ang mensahe ng Semana Santa ay para sa mga Kristiyano na, kalakip ang pag-aayuno, pananalangin at pagkakawanggawa, hinihimok ni Pope Francis na magsimulang muli sa kanilang mga buhay. Sa kanyang mensahe para sa Kuwaresma ngayong taon, hinihikayat ng Santo Papa, na matagal nang umaapela para pagkupkop sa refugees sa mundo, ang mga Kristiyano sa daigdig “to open our doors to the weak and the poor” at sa paraang ito, aniya, ay mararamdaman ng mga walang masulingan ang “experience and share to the full the joy of Easter.”