Halos nawalis ng siklistang si George Oconer at ng kanyang koponang Go for Gold-Philippine Cycling Club ang opening stage honors sa ginaganap na Sri Lanka T-Cup.
Ang Sea Games-bound na si Oconer ay kabilang sa 6-man lead pack sa unang araw ng 3-day non-UCI race kung saan pumangalawa siya sa stage winner na si Softian Omar Mohd Bakri, ng Malaysian National Team.
Binigyan ang grupo ng identical clocking na 2 oras, 54 minuto at 14 na segundo para sa 133 kilometrong first stage ng karera na nagsimula sa Odda-mavadi at nagtapos sa Mahiyan-ganaya.
Mayroon silang 12 segundong kalamangan sa nag-iisang siklista na nakatawid na pampito na walang iba kundi ang kakampi ni Oconer na si Elmer Navarro.
Nagpakita ng kanyang lakas si Oconer sa unang yugto ng karera nang dalawang beses siyang pumangalawa sa intermediate sprint para maaangkin ang Green Jersey na sumisimbolo sa Points Classfication leadership.
Dahil sa pagtatapos nila ni Navarro sa top 10, nakamit ng kanilang koponang Go for Gold-Philippines ang team stage honors at ang Team General Classfication lead, na may agwat silang isang minuto at 13 segundo sa pumapangalawang Malaysian Nationals.
Ang iba pang mga miyembro ng Go for Gold Club ay sina Jeremy Go, skipper Ronnel Hualda at dalawa pang National riders na sina Ryan Cayubit at Jerry Aquino Jr. Tumatayong team director nila si Edz Hualda.
May 60 riders na kumakatawan sa 14 na koponan ang kalahok sa karera kabilang na rito ang BDC Bangladesh, CCN-Holland, SFC Singapore, SS-GC Pakistan, Malaysia Nationals, Go for Gold Philippines at walong Sri Lankan teams.