Nasa full alert status ang buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila ngayong Semana Santa.
Sinabi kahapon ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde na walang nakikita ang pulisya na banta ng terorismo sa Kalakhang Maynila kasunod ng pagkakadakip sa mag-asawang dayuhan sa Taguig City, na sinasabing konektado sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), bukod pa sa umano’y presensiya ng Maute Group mula sa Mindanao.
Ayon kay Albayalde, sinimulan na ang skeletal deployment o pagpapakalat ng mga unirpomadong pulis sa mga shopping mall, simbahan, bus terminal, paliparan at pantalan sa Metro Manila upang tiyakin ang seguridad ng publiko ngayong Mahal na Araw.
Aniya, ipakakalat ng NCRPO sa Martes (Abril 11) ang 12,500-15,000 unipormadong pulis sa mga vital installation at pampublikong lugar sa Metro Manila kasabay ng pag-iinspeksiyon ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa mga transport terminal upang tiyaking epektibo ang mga Police Assistance Desks (PADs) para umayuda sa publiko.
Sinabi ni Albayalde na ipinaiiral din ng NCRPO ang “no day-off/no vacation leave” policy ngayong Kuwaresma.
Gayunman, malaki ang maitutulong ng publiko sa mga awtoridad upang mapanatiling ligtas ang paggunita sa Semana Santa sa pamamagitan ng agarang pag-uulat sa mga pinaghihinalaang indibiduwal o gamit. Maaaring tumawag sa PNP Hotline 911, o magtext sa 2690 o 2268. (Bella Gamotea)