Tatlong magkakasunod at malalakas na lindol, ang isa ay umabot pa sa 6.0 sa Richter scale, ang muling yumanig sa mga taga-Batangas, mga kalapit na lalawigan, at maging sa Metro Manila pasado 3:00 ng hapon kahapon.
Ang unang lindol, na may lakas na magnitude 5.6, ay naitala bandang 3:07 ng hapon, may isang kilometro sa timog-kanluran ng Mabini, Batangas.
Naramdaman naman ang Intensity 7 sa Mabini, Batangas—na mapaminsala na sa kategorya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nasa Intensity 6 o “very strong” naman ang naramdaman sa mga bayan ng Calatagan, Tingloy, at Nasugbu sa Batangas.
Naitala naman ng Phivolcs ang Intensity 5 sa Batangas City, Sto. Tomas, at Lemery sa Batangas, at sa Tagaytay City sa Cavite; Intensity 4 sa Dasmariñas sa Cavite, Lucena City sa Quezon, at Pateros.
Intensity 3 ang naitala sa Makati City, Pasay City, Quezon City, Muntinlupa City, Malabon City, at Bacoor sa Cavite, habang Intensity 2 sa Camarines Sur.
Ang ikalawang pagyanig, dalawang minuto makalipas ang una, ay naitala bandang 3:09 ng hapon na ang epicentre ay nasa 12 kilometro sa hilaga-kanluran ng Mabini, Batangas, at may lakas na 6.0-magnitude.
Samantala, bandang 3:29 ng hapon naman nang maitala ang ikatlong lindol na may paunang magnitude na 4.1, ayon sa Phivolcs science research assistant na si Lara Gianan.
AFTERSHOCKS LANG?
Gayunman, sa tala ng United States Geological Survey (USGS), ang magnitude ng magkakasunod na lindol ay 5.7, 5.9, at 5.0.
Sinabi ni Gianan na bineberipika pa ng Phivolcs kung hiwalay at hindi aftershocks ng lindol nitong Martes ang serye ng lindol kahapon, bagamat ang origin ng naramdaman kahapon ay malapit din sa lokal na fault sa Mabini.
Ayon kay Gianan, batay sa monitoring ng Phivolcs hanggang 11:00 ng umaga kahapon, nasa 991 aftershocks na ang naitala.
BITAK AT LANDSLIDES
Kaugnay nito, kinumpirma kahapon ni Taal, Batangas Mayor Fulgencio Mercado na dahil sa lindol kahapon ay nadagdagan pa ang pinsala sa 400-anyos na Taas Basilica—nagtamo ito ng mas malaking bitak sa harapan ng simbahan.
Sinabi ni Mercado na nagkaroon din ng mga bitak sa munisipyo dahil “mas malakas ang lindol ngayon”.
Iniulat naman ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na may tatlong insidente ng bahagyang pagguho ng lupa sa tatlong barangay sa Mabini, at nawalan ng kuryente sa Batangas City at sa Kawit, Cavite.
“We have no report of casualties so far, and we pray that there is none, but we received initial reports of damage in some areas,” sabi ni Marasigan.
NAGLABASAN SA MGA GUSALI
Sa Lucena City sa Quezon, kaagad na pinalabas sa parking area ang mga tao sa loob ng SM Lucena at Pacific Mall.
Ganito rin ang ipinatupad na security measure sa mga SM City mall sa San Pablo City at Calamba sa Laguna, gayundin sa Batangas City at Lipa City.
Sa Pasay City, nag-panic ang ilang residente sa Pasay City na naglabasan mula sa matataas na gusali.
Maging ang mga estudyante ng University of Pasay ay naglabasan sa mga silid-aralan, gayundin ang mga tauhan ng Pasay City Police, habang mabilis ding pinalabas ang mga dalaw sa Pasay City Jail.
Naglabasan din sa field ang mga estudyante ng University of Santo Tomas sa Maynila, habang isang dalawang-palapag na bahay sa panulukan ng Juan Luna at Fajardo Streets ang gumuho, bagamat wala namang nasaktan sa insidente.
(May ulat nina Aaron Recuenco at Jaimie Rose Aberia) (ELLALYN DE VERA-RUIZ, DANNY ESTACIO at BELLA GAMOTEA)