ISANG linggo bago ipinako si Kristo sa krus, Siya’y matagumpay na pumasok sa Jerusalem. Sinalubong ng maraming tao, nagputol ng mga sanga at dahon tulad ng Oliba at palm tree. Sumisigaw sila ng “Mabuhay ang Anak ng Diyos! Purihin ang naparirito sa ngalan ng Panginoon!”

Upang ipagdiwang ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, itinakda ito ng Simbahan bilang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday.

Simula na ng Semana Santa. Bilang bahagi ng tradisyon, tampok na tanawin sa mga bayan-bayan sa bawat parokya ang pagsasama-sama ng pamilya sa simbahan bitbit ang kanilang mga palaspas upang pabendisyunan at makiisa sa prusisyon na gumugunita sa masayang pagtanggap ng mga Hudyo kay Kristo, may dalawang libong taon na ang nakalilipas.

Ayon sa binagong liturhiya ng Semana Santa o Holy Week liturgy, may tatlong anyo ang pagbebendisyon sa mga palaspa

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

s.

Ang una na pinakataimtim ay idinaraos sa labas ng simbahan. Ang ikalawa ay sinisimulan sa pintuan ng simbahan at ang pangatlo ay ang simpleng pagbibendisyon sa mga palaspas sa harap ng altar.

Sa unang anyo ay mababanggit na halimbawa ang parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Dakong 5:00 ng umaga binibendisyunan ang mga palaspas sa harap ng bisita ni San Vicente. Pagkatapos, ang pari, kasama ang mga tao, dala ang kani-kanilang palaspas ay naglalakad patungo sa “Onsanahan” na itinayo sa apat na istratehikong lugar sa bayan. Makulay ang dekorasyon ng mga Onsanahan na binubuo ng mga bandana na may iba’t ibang kulay at murang puno at dahon ng Bongkawe.

Habang lumalakad ang prusisyon, may mga babae at lalaki na naglalatag ng mga banig at lambong na kulay ube sa nilalakaran ng pari. Sila ang bumubuo ng Samahang Latag Lambong at Banig. Panata nila ang paglalatag ng banig at lambong sa prusisyon tuwing Linggo ng Palaspas.

Pagsapit ng prusisyon sa Onsanahan, may apat na batang babae na aawit at magsasaboy ng confetti. Ang inaawit nila’y “HOSANNA FILIO DAVID, BENEDICTUS QUI VENI, IN NOMINE DOMINE” (Mabuhay ang Anak ni David na naparirito sa ngalan ng Panginoon).

Ang pag-awit ay sinasaliwan ng banda ng musiko na tumutugtog sa prusisyon. Habang umaawit, sa ibaba ng Onsanahan ay mga batang lalaki na sinasahod at pinupulot ang mga isinasaboy na confetti. May kaugalian ang ilang magsasaka kung saan inilalagay nila sa kanilang lupain ang mga nabendisyunang confetti sa paniwalang ito magiging “sagana”.

Matapos ang pag-awit, umuusal ng maikling panalangin ang pari kasunod ang pagbebendisyon sa Onsanahan.

Sa misa tuwing Linggo ng Palaspas, isa sa mapapansing pagbabago ay ang pagbasa ng pari ng mahabang Ebanghelyo.

Nagsisimula sa pagsasalaysay sa mga hirap at pasakit ni Kristo hanggang sa Kanyang kamatayan at libing.

Matapos ang misa, ang mga palaspas na binendisyunan ay inilalagay ng mga nagsimba sa kanilang altar sa bahay o kaya’y sa bintana. Sa ibang probinsiya, may mga naniniwala na ang palaspas ay nagtataglay ng “bisa” at kapangyarihan laban sa masamang espiritu. At kapag matutunog ang kulog at matatalim ang kidlat, ang ilang matatandang babae ay nagsusunog ng dahon ng palaspas. (Clemen Bautista)