MS. EDNA, DIAN AT MANOY STEVE copy

KAHAPON, mayroon nang 5,900 shares sa online edition (balita.net.com) ang sinulat kong “Inspiring story sa likod ng unang debut sa MOA Arena,” anim na araw pagkaraang ilathala noong nakaraang Linggo.

Sa lahat ng sinulat ko, ang tungkol sa debut ni Dian Serranilla at ang buhay ng kanyang amang si Steve Serranilla ang umani ng pinakamaraming share at patuloy pa ring nadadagdagan. Sinundan ko sa Facebook ang ilang nag-share at naririto ang sinasabi ng netizens/readers:

“One hundred percent (100%) gained back the inspiration that I need in my life. Excellent read.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Hoping to inspire others and me as well... Humbling to know.”

“The girl swept Instagram by storm when people learned her family spend P5M for her debut which can be flamboyant in the Philippine setting. I obviously stalked her Insta account and found this in her bio. Her father proves that education is important but hard work is necessary.”

“Behind this over-the-top debut celebration in MOA is an inspiring story of a father whose only intention is to give the best for his family. A good read.”

“To those shocked, intrigued, amazed, overwhelmed by the grandest debut ever, please read and be inspired. They are very nice, generous and down to earth family. Happy reading!”

“Wow, such an inspiring story. ‘Di ko in-expect na her Dad, a CEO, came from a poor family. Look at them now. Pretty amazing, right?”

“Just wow! Inspiring story behind.”

“Maka-inspire ang story sa iyang papa.”

“This is probably the best story to the quote: ‘Work hard in silence, let success make the noise.’ Truly inspiring.”

Sabi naman ng bunso kong anak, “’Kala ko sa koreanovela lang ang ganyan, may totoong kuwento rin pala ng CEO na prinsesa ang turing sa anak niya.”

Pero kailangan kong mangumpisal, na iyon ay unauthorized item, hindi ko ipinagpaalam kay Manoy Steve na isusulat ko siya. Dahil kinabahan ako na kung ipagpapaalam ko, baka hindi siya pumayag. Nagdesisyon akong isulat para malinawan ang mangilan-ngilang bashers na walang kaalam-alam sa tunay na kasaysayan ng pamilya.

Ang kaisa-isang quote sa kanya sa item na binibigyan niya ng credit ang kanyang butihing maybahay na si Ate Edna, galing sa personal na usapan naming dalawa. Ang iba pang detalye, pawang galing na sa mga kuwentong nalaman ko sa aming baryo at sa mga taong nakakakilala sa kanya na pinagtanungan ko. (Matagal ko nang sinasaliksik ang istorya ni Manoy Steve, simula pa noong sa Liwayway magazine pa ako nagsusulat.)

Unfair kung hindi ko iwawasto ang ilang data lalo na ang tungkol sa edukasyon niya, na napakaimportanteng detalye pa naman.

“’Di mo man lang kasi ako tinanong,” natatawang sabi ni Manoy Steve nang tumawag paglabas ng artikulo, “nakapag-Grade 6 pa ako sa Balatan at nakapag-first year high school sa Sipocot. ‘Yung sa Balatan, paaral ako ni Tang Yonga (Tan, kaisa-isang Chinese merchant sa aming baryo). ‘Yung sa Sipocot, kinuha ako ng tunay kong tatay, kasi pag-aaralin daw ako. Gusto ko naman talagang makatapos ng pag-aaral, pero nagkaroon naman kami ng problema ng tatay ko, kaya hindi ko rin naipagpatuloy.”

Kaya hindi sa Grade 5 huminto ng pag-aaral si Manoy Steve, kundi sa unang taon sa high school.

Idinetalye niya ang naging problema nila ng kanyang tunay na ama (lumaki siya sa kanyang stepfather, na mahal na mahal siya), pero hahayaan ko nang siya ang magdetalye sa magiging panayam sa kanya ng ibang media outfit.

Dinudumog si Manoy Steve ngayon ng imbitasyon para mainterbyu ng iba’t ibang TV network.

Habang nagnenegosyo na sa Manila, binalikan niya ang report card niya sa Sipocot dahil pursigido pa siyang maipagpatuloy ang pag-aaral niya, pero wala siyang nakuha. Dahil dropout nga siya at hindi rin binayaran ng kanyang ama ang kakulangan sa tuition niya.

“’Yun ang isa sa biggest disappointments ko sa buhay ko,” sabi ni Manoy Steve.

Nilinaw din niya na hindi siya namasukan simula nang sumalta siya sa Divisoria, nasa disiotso anyos siya – circa 1966.

“Negosyo rin agad ako sa Divisoria. Kahit noong nasa Balatan, sumasama ako sa palakaya ni R. Decena at nangingisda kami, pero ako ang nagbebenta sa palengke ng parte ko sa huli. Sa Sipocot, ‘pag gabi nagtitinda kami sa tren, balut at penoy ang tinda ko. Sumasama kami hanggang Tagkawayan, kung minsan hanggang San Pablo. Pero sumasakay na ako pabalik ng Sipocot bago mag-umaga kasi papasok pa sa eskuwela.

“Sa Divisoria, alam mo ba ang Tabora, Street? Teritoryo ko ‘yan. D’yan ako nagtinda ng plato, kutsara at kung anu-ano pang laman ng bodega ni Guevarra. Pinakamabenta ako sa lahat ng umaangkat ng paninda sa kanila kasi ‘yung karton susunugin ko ng konti, ‘tapos sisigaw ako ng ‘agaw-sunog!’ Wala naman akong niloloko nu’n, di ba? Pareho naman ang presyo sa loob, pero siyempre ako ang mas mabenta.”

Pinasok din niya ang pagtitinda ng bigas bukod sa pagrarasyon ng karne sa mga restaurant. Ngayon ay international na ang kanyang meat trading.

At ang mga anak niya ay nag-diversify na sa film at concert production. Sila ang nag-produce ng concert dito sa Pilipinas nina Kanye West, Chris Brown at John Legend.

Mapait ang simula ng buhay na naging matamis, simula nang matuklasan ng kanyang ina ang gift niya sa salesmanship sa pagtitinda nila ng kamatis noong walong taong gulang siya sa Iriga City.

“Sa bilao lang ang tinda namin, ‘pag malapit nang mag-uwian at marami pang tira, sasabihin ni Mama, ‘ipaubos mo na’.

Ako na ang bahala n’yan, magtatawag na ako ng mga bibili ng tinda namin. Ubos talaga ‘yan!” (DINDO M. BALARES)