Pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 44 na bilanggo mula sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan.
Iniutos ni BuCor Director General Benjamin Delos Santos ang pagpapalaya sa nabanggit na bilang ng mga bilanggo nang bumisita siya sa IPPF sa ikaanim at huling bahagi ng kanyang pagbisita sa mga piitan sa bansa.
Paliwanag ni Delos Santos, 44 na bilanggo ang nananatiling nakakulong sa IPPF kahit pa napagsilbihan na ng mga ito ang kani-kanilang sentensiya.
Nagsagawa rin ng “Oplan Galugad” at sorpresang inspeksiyon ang BuCor sa IPPF at nakakumpiska ang kawanihan ng ilang kontrabando, kabilang ang TV set, cell phone, at amplifier.
Sinabi pa ni Delos Santos na napalaya ang mga bilanggo matapos siyang lumikha ng special task force na tumukoy sa mga bilanggong overstaying sa iba’t ibang piitan, sa layunin na ring mapaluwag ang mga bilangguan sa bansa.
Dahil sa task force, napalaya na ng BuCor nitong Marso ang 234 mula sa Leyte Prison and Penal Farm at 34 naman mula sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro. (Bella Gamotea at Jeffrey Damicog)