BINANATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Juvenile Justice and Welfare Act dahil lumilikha umano ito ng mga batang kriminal. Kasi, ano man ang nagawa nilang krimen, grabe man o hindi, kapag wala pang 15 taon ay hindi maaaring ikulong. Dahil dito, hindi na sila natatakot gumawa ng krimen dahil hindi naman sila makukulong sa halip ay ibibigay lang sila sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o pagsasabihan ang kanilang mga magulang. Ang nais ng Pangulo ay ibaba sa 15 taon ang edad ng mga hahatulang makulong.

Ang oposisyon sa Senado ay tutol sa gustong mangyari ng Pangulo. Kapag daw ang 9 na taong gulang ay ipiniit mo, ayon kay Sen. Antonio Trillanes, lalo itong magiging kriminal dahil sa mga makakasalamuha niya sa loob ng selda. Lalabas itong “hardened criminal”. “Ang batas ay naamyendahan na noong 2013,” wika naman ni Sen. Pangilinan na author nito, “at may lunas na ito sa pinoproblema ng Pangulo.” Iniatas ng batas, aniya, na kahit wala pa sa 15 taong gulang ang nagkasala ay kailangan itong ikulong ng hindi bababa sa isang taon kapag ito’y nasangkot sa matinding krimen tulad ng homicide, murder, rape o illegal drugs. Ang kulang na lang daw ay pondo upang maipatupad ito nang lubusan. Kaya kailangan ng pondo ay para maipagawa ng sariling piitan ang mga kabataan.

Maging si Sen. Sherwin Gatchalian ay tutol sa panukala ng Pangulo kahit hindi ito kabilang sa minorya sa Senado.

Bigyan daw natin ng pagkakataon ang batas na ito na ganap na mapairal. Nagsasalita kasi siya batay sa kanyang karanasan. Bago kasi siya naging Senador, matagal na siyang ninilbihan sa Valenzuela bilang alkalde at kongresista.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon sa kanya, sa Valenzuela, 70 porsiyento ng mga batang lumabag sa batas ay nagbago at nakabalik sa kanilang pamilya.

Hindi lang ang batas ang binibigyan natin ng pagkakataon kundi ang kabataan at kanilang kinabukasan. Higit akong pumapanig sa mga tumututol na ibaba sa 15 taon ang edad ng mga dapat managot sa batas at mahatulang makulong. Hayan na nga’t pinatutunayan ni Sen. Gatchalian, batay sa kanyang karanasan, na kapag binigyan ng pagkakataon ay nagbabago ang isang tao. At ito ay para sa lahat, bata man o matanda, dahil likas sa puso ng bawat isa ang kabutihan. Kaya, napakarubdob kong ninasa na sundin natin ang batas na gumagalang sa karapatang pantao, due process at presumption of innocence dahil naaayon din ito sa batas ng kalikasan. Kaya iyong paraan ng pakikidigma laban sa droga na pinapatay ang mga sangkot dito ay labag sa batas at batas ng kalikasan. (Ric Valmonte)