ANG panahon ng pag-aani ng bigas sa Pilipinas ay tradisyunal na nagsisimula ng Hulyo at nagtatapos ng Setyembre.
Nitong Marso, may mga senyales na posibleng hindi matupad ang pinupuntiryang ani sa bigas ng National Food Authority (NFA) ngayong tag-init. Ang farm-gate prices ng palay ay umabot na sa P18 hanggang P20 kada kilos, mas mataas sa presyuhan ng gobyerno na P17.
Kaya naman nagdaos ng emergency meeting ang mga opisyal ng NFA — ang mga pangunahing ehekutibo ng central office at mga regional director — at nanawagan para sa agarang pag-aangkat ng kalahati ng 500,000 metriko tonelada ng bigas para sa taong ito. Ang unang kalahati na 250,000 tonelada ay dapat na dumating na sa bansa ngayong buwan mula sa ating mga tradisyunal na inaangkatan sa Thailand at Vietnam. Dapat din na kaagad na maibiyahe ang mga ito sa mga lalawigan na alanganin na ang naiimbak na bigas.
Sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, binigyang-diin ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang pambansang hangarin na maging sapat sa ating mga pangangailangan ang inaani sa bansa. Nagawa itong maisakatuparan ng bansa sa loob ng ilang taon, sa panahon ng administrasyong Marcos, dahil sa programa nitong “Masagana 99”, ngunit hindi ito nagtagal para sa mabilis lumobong populasyon ng bansa at malalakas na bagyo na pumipinsala sa mga palayan taun-taon.
Nagawa ng nakalipas na administrasyon ni Pangulong Aquino na makapagdebelop ng ilang bagong high-yielding rice variety bilang kapalit ng mga dati na nating itinatanim. Ang mga bagong palay na ito ay hindi naaapektuhan ng baha at maaaring itanim sa mga bahain at karaniwang binabagyong lugar. Nariyan din ang mga palay na hindi mapipinsala ng tagtuyot para naman sa mga lugar na kapos sa patubig.
Naglunsad ang administrasyong Duterte ng bagong inisyatibo—pagkalooban ang mga magsasaka ng mas maraming pasilidad para sa irigasyon at bigyan ang mga ito ng libreng patubig. Para sa programang ito, isinama ang isang P2-bilyon pondo sa Pambansang Budget ngayong taon upang palitan ang pondo mula sa nakokolekta ng National Irrigation Administration sa mga magsasaka.
Ngunit ang susi sa modernisasyon ng agrikultura sa Pilipinas ay pinaniniwalaang nakasalalay sa paggamit ng mga makina sa mga bukid at pumayag ang Japan na tulungan ang Pilipinas sa aspetong ito sa pamamagitan ng P1-bilyon aid program na sa paunang implementasyon ay sasaklaw sa nasa 10,000 ektarya.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito — ang mga bagong high-yielding rice variety, libreng irigasyon, at paggamit ng makina sa mga bukid — dapat na maging maganda ang simula natin ngayong taon sa pagsasakatuparan ng matagal na nating pinapangarap na kasapatan ng aning bigas para sa ating bansa.
Ngunit hindi pa ngayon. May kakapusan pa rin tayo sa bigas ngayong taon, kaya naman umapela ang NFA ng agarang importasyon ng 250,000 tonelada ng bigas. Posibleng sa huling bahagi ng taong ito naman aangkatin ang ikalawang bugso na 250,000 tonelada. Ngunit ang pinapangarap nating kasapatan ng aning palay ay higit nang abot-kamay ngayon dahil sa mga inisyatibo ng Department of Agriculture at ni Secretary Piñol.