Nadakma ang isang South Korean na umano’y wanted sa panloloko sa daan-daan niyang kababayan kaugnay ng multi-million dollar financial pyramiding scam, kinumpirma kahapon ng Bureau of Immigration (BI).

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang inaresto na si Ma Yoonsik, 45, na inaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa Las Piñas City.

Ayon kay Morente, ang pagkakaaresto kay Ma, na siyang target ng isang Interpol red notice, ay nag-ugat sa pakiusap ng Korean embassy sa Maynila na ito’y ipa-deport sa Seoul upang harapin ang kanyang kasong large-scale fraud.

Ipinarating ng embahada sa BI na isang warrant of arrest ang inisyu ng Suwon district court sa Korea laban kay Ma noong Nobyembre 7 ng nakaraang taon at posible siyang sentensiyahan ng 10 taong pagkakakulong kapag napatunayang nagkasala.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idinagdag niya na itinurn over kamakailan ang Korean sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) upang hindi makatakas.

Ayon pa sa BI chief, nakipagtulungan si Ma sa anim pang Korean sa pagtatayo ng isang kumpanya sa Pasay City na nagpapatakbo ng kanilang pyramiding racket na nanloloko ng daan-daang biktima rito at sa Korea.

Sa taya ng Seoul authorities, maraming nahuthot ang mga suspek sa kanilang mga biktima na nakuhanan ng tinatayang 37 billion Korean won (US$32 million) dahil sa scam.

Sinabi ni Morente na nag-isyu na ng summary deportation order ang BI board of commissioners laban kay Ma bago pa man siya maaresto.

Idinagdag niya na isinama ang Korean sa BI blacklist upang hindi na ito muling makapasok sa Pilipinas.

(JUN RAMIREZ at MINA NAVARRO)