MAGIGING kauna-unahang bansa sa mundo ang Uruguay na magpapahintulot sa pagbebenta ng recreational marijuana sa mga botika simula sa Hulyo, sinabi ng tanggapan ng pangulo ng bansa nitong Huwebes.
Ito ang huling hakbangin sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong batas na inaprubahan ng bansa noong 2013 para gawing legal ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng marijuana.
Ang pinakamakabago — at kontrobersiyal — na bahagi ng batas, ang pagbebenta nito sa mga botika, ay kasalukuyang nakabimbin, at wala pang tiyak na petsa kung kailan ito sisimulan.
Gayunman, tinuldukan na ito ng administrasyon ni Pangulong Tabare Vazques sa isang news conference.
“Cannabis will be dispensed in pharmacies starting in the month of July,” saad ng presidential aide na si Juan Andres Roballo, pinuno ng National Drugs Council.
Alinsunod sa batas, dapat na magparehistro sa national registry ng mga gumagamit ng marijuana ang mga bibili upang matiyak na masusunod nila ang licensing procedures at hindi lumagpas sa 40 gramo na limitasyon sa maaaring bilhin kada buwan.
Magiging available ang registry—na bukas lamang para sa mamamayan ng Uruguay at sa mga permanteng residente nito — hanggang sa Mayo 2, ayon kay Roballo.
Nagkakahalaga ang gramo ng marijuana ng $1.30, ayon sa secretary general ng National Drugs Council na si Diego Olivera.
Mabibili ang gamot sa mga pakete ng lima o 10 gramo, at tanging ang mas maliit na sukat ang maaari pa lang bilhin, aniya.
Ang bahagi ng malilikom ay ilalaan sa pondo ng gobyerno sa mga programa upang maiwasan ang pagkalulong sa droga.
(Agencé France Presse)