CABANATUAN CITY – Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Cabanatuan City Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 3, at Nueva Ecija Police Provincial Office, ang bahay ng isang barangay chairman sa bisa ng search warrant at nasamsam umano mula sa opisyal ang ilegal na droga, mga bala, at drug paraphernalia sa Purok 4, Barangay Pula sa lungsod, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, nagpositibo ang operasyon ng raiding team sa bahay ni Reynaldo delos Santos y Gabriel, 48, chairman ng Bgy. Pula.
Dakong 6:30 ng umaga nang salakayin ang bahay ni Delos Santos, na pangunahing high value target sa Nueva Ecija, at nakumpiska ang tatlong plastic sachet na may latak ng shabu, pitong bukas na plastic sachet, drug paraphernalia, at 11 bala ng .45 caliber pistol. (Light A. Nolasco)